Monday, December 31, 2007

PISTANG DAGAT 2007

Ako’y tunay na namangha sa nasaksihan,
Hindi ko inaasahan ang Dasal sa karagatan;
Ilang taon na din akong nanunungkulan,
Bakit ngayon ko lamang ito nasaksihan;

Ang pagpupuri sa gitna ng katubigan,
Nababagay sa uri ng ating mahal Bayan;
Nakararaming mamamayan dito nabubuhay,
Sa biyaya ng dagat,biyaya ng poong mahal;

Idinadalangin ang masaganang pamumuhay,
Dulot na ani ay magpatuloy na makamtan;
Masaganag hapag kainan aming pagsasaluhan,
Kung may labis amin dagdag sa kabuhayan;

Pagpanday sa kaisipan ng batang mag-aaral,
Ipon ng pamilya pangtustos sa kinabukasan;
Matatag na haligi ng tunay na tahanan,
Dagdag na biyaya mula sa karagatan;

Ngunit kasabay ng panalangin sa dagat,
Marapat ang pangngalaga at pagkalinga;
Nakakalimutan saan galling ang biyaya,
Ang mga tao ay patuloy nagpapabaya;

Taun-taon ay Idinaraos Misa ng pasasalamat,
Paghingi ng pag-gabay at patuloy na biyaya;
Ako ay nakiisa sa pagdiriwang ng “Pista ng Dagat”
Umaasa na akin pang muling masasaksihan;


November 08, 2007

KWENTA


Ilan nga ba ang tunay nating kailangan?
Magkanu nga kaya ang dapat batayan?
Sinu-sino ang mga tao na ating mamahalin?
Alin sa mga ito ang nais mong malaman?

Kwenta-ay ang pagsasama-sama ng lahat,
Ang pagpili ng mga bagay na may halaga;
Salitang makahulugan para sa ating buhay,
Anu nga ba ang kwenta natin sa mundo;

Halina at ating sukatin ang tunay na halaga,
Iyong alamin aking mga gintong gawain;
Pagsama-samahin ang aking pangarapin,
Ang kabuuan ng aking dakilang hangarin;

labindalawang taon na akin nang ginugol,
Sa paglilingkod na ako ay walang tutol;
Sinikap kong alamin kanilang kailangan,
Upang sa proyekto ay aking matugunan;

Sa bahagi ng kalusugan at personal na bagay,
Aking binibigay sa abot ng aking kakayanan;
Kalikasan ay binantayan at ito ay inalagaan,
Programa sinimulan, nagtayo ng ilang samahan;

Edukasyon, Kabataan at Palakasan hindi iniwanan,
Hinarap ko itong lahat na buo ang paninindigan;
Kaayusan, Kapayapaan, Kaligtasan ng pamayanan,
Sinusuong ang kalamidad at planado ang kahandaan;

Sa Pananalaping Bayan, tinatasa ang bawat kusing,
Pera ni Juan Dela Cruz nais ko ay aking mapabuti;
Paglalan sa tamang proyekto dapat gawin dito,
Isinulit ko ang bawat sentimo ng buwis na binayad nyo;

Umakda ng mga Kapasyahan at Kautusan Pambayan,
Bahagi ng aking tungkulin sinumpaan na ginampanan;
Aking binabalangkas ang kaayusan ng pamamaraan,
Alituntunin na ipapatupad sa kapakanan ng lahat;

Ngayon Tagapangulo at inyong Tagapag-ugnay,
Sa Sangguniang Bayan, tinig ng Sambayanan;
Sa abot ng aking munting nakakayanan kaalaman,
Buong tatag ito ay pinaghuhusay at ginagampanan;

At mag-isa na nga ako ngayon sa aking maliit na silid,
Ang Isipan at damdamin ko ngayon ay nagtatanong;
Tama ba ang kwenta ko sa buhay na aking ginugol?
Baka ako ay nalilibang at sa tungkulin ay nahihibang?

Wala akong salapi sa aking luma at sira ng pitaka,
Wala kayamanang materyal na maipagyayabang,
Wala ang magarang kotse na maari nating sakyan,
Wala din ang bahay na pinangarap na tirahan,
Walang asawa at anak na akin dapat nakakasama.

Ang kwenta ng buhay tayo mismo ang magsusuma,
Nabatid ko ang kakulangan kapag ako ay nag-iisa;
Ang suma-total na lahat ay akin ngayon matitimbang,
Sa listahan ng gawain na aking ng naisakatuparan;

Ang kwenta ng buhay ay nasa atin ang kahulugan,
Ang bawat halaga tayo pala ang magtitimbang;
Tamang bigat at kahulugan nito kanyang titipunin,
Gaya ng banko kabutihan mo ay nakatala din;

Nang aking simulan kay bigat ng dalang saloobin,
Hindi ko makaya ang laman ng aking damdamin;
Subalit habang dumadaloy ang aking kaisipan,
Nadama ko ang tunay na kwenta ng aking buhay;


Enero 1, 2008
Esk313-010108