Wednesday, January 2, 2008

BABAE SA DALAMPASIGAN

Sabay sa paghampas ng alon sa baybay,
Pinangarap ko na aking makaulayaw;
Ibig na mapawi ang aking kalungkutan,
Sapagkat malayo sa aking Inang Bayan;

Sa unang pagkikita ay aking nabakas,
Mga pananaw at pangarap para bukas;
Nagsimula sa maikling talakayan,
Naging mabunga, pagkain ng isipan;

Ang babae sa dalampasigan ng Iloilo,
Pumukaw sa isip at aking pagkatao;
Habang ating nilalakbay ang lugar,
Lugar ng kung tawagin ay ang Baybay;

Iyong mga pangarap at pananaw sa buhay,
Sa akin unti-unti mong iyong ibinigay;
Bawat hakbang ay may yapak na naiwan,
Tanda ng ating buhangin nadadaanan;

Aking binalik-tanaw una kang pagmasdan,
Ikaw ay aking tinitigan sa may dalampasigan;
Unti-unti kong nabanaag angking kagandahan,
Nabighani ako at nais na ikaw ay aking titigan;

Ako’y tunay na namangha sa iyo,
Mababang loob at may kapwa tao;
Misyon mo sa buhay ay kakaiba,
May kahulugan at may pagkadakila;

Iyong paglalayon na buhay sumulong,
Nais kong sumama upang makatulong;
Mga bata ay hinuhubog at pinapanday,
Sa katandaan ay nais mong umagapay;

Tulad mo’y nais, bukas maging makulay,
Marapat ang wasto at tamang kaagapay;
Paunlarin ang bayan ang dakilang layunin,
Maglingkod ng tapat ang gintong mithiin;

Salamat sa iyo, babae sa Dalampasigan,
Salamat sa oras na iyong mabilis naibigay;
Sa pagkakataon patuloy kang hinahanap,
Nagbabalik sa akin ang ating nakalipas;

April 15, 2002
Elmer Sebastian Santos
113 Alvarado St. Sto.Rosario
Hagonoy, Bulacan 3002

YAMANG PAMANA

YAMANG PAMANA
Para kay Rafael Santos
March 10, 2000


Simula pagkabata ako ay nahubog na,
Sa mga pangaral at kanyang paalala;
Sadyang gumabay sa aking daanan,
Upang pangarap ay aking makamtan;

Sa kanya ay hindi sunod sa luho,
Ngunit busog sa pangaral na pantao;
Mga problema ko noong ako’y bata,
Bilin nya ‘wag pabayaang lumala;

Saksi ako sa sakit na kanyang dinanas,
Mga daing na parang walang lunas;
Takot sya na baka aking iwanan,
Kaya’t magdamag ang kwentuhan;

Pangarap nya na sa akin ibinigay,
Masayang pamilya at simpleng buhay;
Pag-aralin ang anak ay kailangan,
‘wag kalilimutan ang iyong magulang;

alam mo ang hirap ko noong araw,
masaya naman akong papanaw;
Ayos ang aking mga mahal na anak,
Sa buhay sila ay aking naigayak;




Si Inang malaki na ang hirap,
Pagkalinga lagi kong hinahanap;
Salamat sa diyos matatag lumaban
Isa’t isa ay tunay na nagmamahal;

Apo, nawa ay patawarin nyo ako,
Wala akong pamanang maiiwan sa inyo;
Hindi pinalad na yumaman si lolo,
Pakikisama at patas na buhay lang iho;

Amang, ika’y huwag mag-alala,
Pagmamahal mo ay aking nadama;
Sa paghahanda kila Ama’t Ina,
Sapat na ang maiiwang alaala;

Ginto ang kinang ng iyong naiwan,
Apelyidong kilala ng karamihan;
Dahil sa iyong ginawang pakikisama,
Walang yaman dito maikukumpara;

Santos Apelyidong aking iingatan,
Dala ko habang ako’y nabubuhay;
Malinis na ipapamana sa anak,
Pamanang yaman ng buong angkan;

TRILLANA AT RIZAL

Dama ko sa aking kinauupuan,
Inip dahilan sa haba ng palatuntunan;
Nais kong madinig ama ng kasaysayan,
Noon pa man ay aking hinahangaan;

Atty. PABLITO TRILLANA III ang ngalan,
Panauhing pandangal sa aming sumpaan;
Tungkulin ko ngayon gagampanan,
Sa pangaral niya ay akin ngayong utang;

Tulala at tahimik na ang lahat,
Habang s’ya ay nagsasalita sa madla;
Sa lalim ng salitang kanyang tinuran,
Di maabot baka malunod ang isipan;

Bilang isang pinuno, ako’y punong-puno,
Pananalitang binigkas ay tila isang sulo;
Liwanag na dulot tanglaw sa daanan,
Yaman ng katauhan, sa kapwa kalayaan;

Kahapon na lumipas, bukas ay hindi mabakas,
Kalayaan sa nauuntol sa prosesong putol,
Kelan ang pangarap ay magtutuloy-tuloy,
Kelan makakamit tunay na pagsulong;





Sa dami ng dayuhan na sa atin dumaan,
Nakakapagtaka hindi na tayo nasanay;
Palipat-lipat lamang ng pamunuan,
Nananatiling sa ilalim ng dayuhan;

Pangarap ni RIZAL kay haba ng tinahak,
Unti-unti ding nadama ang kasagutan;
Ngunit kalayaan sadali nating nakamtan,
Parang dagling bumalik sa kasakiman;

Pinangarap ni RIZAL at mga kasama,
Huwag pabayaan muli gumuho pa;
Kalayaan ay alagaan at ipaglaban,
Di lang sa dayuhan maging sa kababayan;

Kababayang namumunong pagkahunghang,
Sa kamay nila bayan ay palubog lamang;
Sa kapabayaan tayo ay naiiwanan,
Patuloy na ipaglaban mithing kalayaan;

SALAMAT KAIBIGAN

Kaibigan, Ako’y dumulog upang aking iparating,
Pangangailangan na hindi luhong maituturing;
Mahalaga mong tulong sa aking kahilingan,
Oras mo at pagod ako ay hindi pinagkaitan;

Hindi magarang relo o damit ang aking nais,
Ito ay Notebook, papel at ilang pirasong lapis;
Aking gagamitin bilang sandata sa pag-aaral,
Unang hakbang ko sa pagharap sa kinabukasan;

Munting alay mula sa puso mo kaibigan,
Iingatan sapagkat alam kong pinaghirapan;
Pinili mong ako ay sikaping matulungan,
Hindi man kilala at hindi alam ang ngalan;

Dalangin ko na kayo ay patuloy na pagpalain,
Upang marami pang biyaya ang dumating;
Pangako ko balang araw aking ibabalik,
Sa mga tao ang pasasalamat sa tumangkilik;

Tulong at biyaya na sa akin ay naibigay,
Sisikaping maibalik sa iba pang mga bagay;
Makikipagkapwa gaya ng inyong isinagawa,
Gaya ninyo aking makamit din pagpapala;

SALAMAT AT PAALAM

Sa bawat tao ay may biyayang nakalaan,
Dulot at bigay ng Poong mapagmahal;
Sa anyo, ugali at angking kakayahan,
Lahat ng tao may biyayang taglay;

Iba’t ibang uri at iba ang kaanyuan,
Minsan sa pamamagitan ng kayamanan;
Ako’y nagpapasalamat sa Diyos AMA,
Biyayang dulot mo sa akin ay kakaiba;

Biyayang bayan aking mapaglingkuran,
Hindi mo ako binigo sa aking kahilingan;
Kabataan noon, ngayon buong bayan,
Handa kong ialay ang aking buhay;

Sa mga biyaya sa akin iyong dulot,
Sa mga pag-gabay na sa akin binigay;
Sa mga pagpapala mula sa mga himala,
Buong puso ako sa iyo nagpupugay;

Sa mahigit na limang mabungang taon,
Sa pulitika ako ngayon ay pilit aahon;
Nagsisilbing gabay sa kapwa kabataan,
Buhay at oras ko sa kanilay inilaan;







Panginoon, bayaan mong magpaalam,
Sa pinaglilingkuran kong kabataan;
Sapagkat haharapin tungkulin sa bayan,
Responsibilidad buong pusong tatangnan;

Salamat at sa inyo nais magpaalam,
Mga minamahal kong mga kaibigan;
Bayan ngayon ay paglilingkuran,
Nawa makasama kapwa ko kabataan;

Ako ngayon ay magiging kinatawan,
Sa konseho ng buong Inang Bayan;
Oras sa kabataan ay maglalaan,
Upang patuloy kayong makaulayaw;

SAAN MAN PATUNGO

Buhay ko ay aking inialay,
Sa aking mahal na bayan;
lakas dulot ng aking kabataan,
simbulo ng pag-asa sa pamahalaan;

pulitiko na gumugulo sa takbo,
sa pulitika na dapat sa mga tao;
pulitika ay serbisyong pampubliko,
dungis ang hated ng ganid sa gobyerno;

wala akong ninais sa aking naging buhay,
oras ibigay upang makamit ang tagumpay;
mahal ko ang aking inang bayan,
kinabukasan ko handa kong ialay;

panginoon hiling ko ang iyong pag-gabay,
ikaw ang tunay kong patidong kaagapay;
alam kong hindi mo ako pinababayaan,
ituro mo sa akin ang tamang dadaanan;

pera, koneksyon, ang sabing kailngan,
lahat ng ito wala akong taglay isa man;
isinusuko ko ang lahat ng aking plano,
tiwala akong lahat ay iyong ibibigay;

gabayan mo ako sa lahat ng panahon,
pangalawang punong bayan sa akin ay hamon;
may alok ding kumatawan sa ating lalawigan,
minsan may tukso sa aking punong bayan;

anuman ang kaloob mong katungkulan,
aking gagampanan ng buong husay;
pulitika bibigyan ko ng bagong kahulugan,
serbisyong hatid sa tao at sa buong bayan;

DALANGIN NG LINGKOD

Ako’y iyong kawal na sandigan,
Sa digmaan handang makipaglaban;
Baon ko ang inyong pagtitiwala,
Sa labanan ito ang tanging sandata;

Kaibigan ako’y may kaunting kahilingan,
Nawa ako ay patuloy na iyong suportahan;
Patuloy na kailangan ng lakas at gabay,
Sa panalangin nawa ako ay iyong idamay;

Bilang lingkod bayang salat sa kayamanan,
Salapi ay hindi sapat upang matugunan;
Subalit ang nais ay patuloy kong pagyamanin,
Oras, talino at kakayanan na aking angkin;