Tuesday, January 1, 2008

AKO'Y PALABOY

Naranasan mo na bang maging palaboy? Taong hindi alam kung saan patungo, walang direksyon at nagpapatangay na lamang sa agos? Wala sa sarili ang mga ginagawang disisyon… nasan na nga ba ako ngayon?
Sadyang puno ang isipan sa mga suliraning kinahaharap, sa panahong gaya nito siguro pinakamabisang sandata ay ang huminto, alamin ang susunod na hakbang, timbangin ang kasalukuyan, kulang ang dalawampu’t apat na oras upang ang lahat ng hamon ay aking matugunan.
Natatakot ako na mawala ang aking mga kaibigan, hindi ko na sila nabibigyan ng mahalagang oras at pakikinig sa hinaing at mga suliraning personal… nasan na nga ba sila?
Natatakot ako na ang aking pamilya ay patuloy kong mapabayaan, wala akong oras upang tanungin ang kanilang pangangailangan, wala akong sapat na pangsuporta sa kabuhayan, materyal at emosyonal na bahagi ko bilang isang anak… nandyan pa ba sila?
Natatakot akong mapabayaan ko ang aking tungkulin dahilan sa ito ang kanlungan ng aking pagkatao, magbabahagi ng aking naging gampanin sa ating pamahalaan… kailangan pa ba?
Natatakot ako sa aking pagharap sa kinabukasan, hindi ko matukoy kung tama ang aking naging panuntunan, may mga mali man akong nagagawa nais ko ito ay aking maitama, sandatang hatid ng karanasan… akin pa bang nakakamtan?
Bata man akong ngayon ay palaboy nais kong huminto sa aking paglangoy sa agos ng buhay na ginagawang paglalakbay.
nasan na nga ba sila? Mga kaibigan ko… ang tamang tanong nasan na nga ba ako? Nandyan pa ba sila? Ang aking pamilya… ang tamang tanong nandyan ba ako para sa kanila? Sa aking katungkulan…Kailangan pa ba? Ang tamang tanong handa pa ba akong gampanan? Sa aking bukas…. Makakamtan ko pa ba? O ang tamang tanong natututo ba akong sa aking kahapon…
Magulo sapagkat ngayon ako’y palaboy… hihinto ako upang muli akong maging goodboy…

No comments: