Wednesday, January 2, 2008

PAALAM

Inukit ko ang bukas sa aking palad,
Pangarap pinilit kong aking matupad;
Sa pagnanais na maging mabunga,
At aking madama ang tunay na saya;

Maikli ang buhay ng bawat tao,
Marapat lamang maging matalino;
Gamitin ng maayos dito sa mundo,
Sa pagpanaw magsisilbing instrumento;

Awiting sa paligid ay papainlanlang,
Sa kabundukan ay aalingawngaw;
Mga tulang binigkas at pinanday,
Bayaang umukit sa puso at isipan;

Unti-unti ng nauupos ang buhay,
Parang kandila sa gitna ng karagatan;
Ihip ng hangin maaring ikamatay,
Mawawalan ng sinag at tanglaw;

Malapit ng matapos ang laro,
Sa laban maari kang magupo;
Taas ang noo na ako’y tatayo,
Bandera ko’y hindi ko isinuko;

Nilalakbay ko’y malapit ng magwakas,
Tanaw ko na ang parating na bukas;
Sa kahapon ay nais kong magpaalam,
Salamat mga mahal kong kaibigan;



Ang tuldok sa dulo ng pangungusap,
Mensahe para sa mga nangangarap;
Landas na banaag ang iyong liwanag,
Sa pagsubok dapat na magpakatatag;

Kilabot sa aking buong katawan,
Natatakot man ako sa aking paglisan,
May ligaya naman akong maiiwan,
Ito ang alay sa inyong kinabukasan;

Batid ko mula sa sariling karanasan,
Pag-gunita sa mga unang taon lamang,
Marapat din naman na kayo ay lumaya,
Handa pa rin naman akong mag-paubaya;

Mga puna at hindi magandang mga gawa,
Sa inyo ay hindi ko naman maikakaila,
Kailanman hindi ko ito sa inyo isesekreto,
Nais ko lamang ay ‘wag mong tutularan;

Paalam na mahal kong Inang Bayan,
Paalam pinaglingkurang Kabataan,
Paalam mga Mahal kong Kaibigan,
Paalam din maging sa kaaway;

No comments: