Wednesday, January 2, 2008

SALAMIN.... SALAMIN...

Matagal kong tinitigan ang aking kaharap,
iniisip kung kailan kami huling nagkita;
Ang kanyang wangis ako ay namangha,
Tulala kong minasdan aming kaanyuan;

Ang lalim ng kanyang mapungay na mata,
Tila walang pahinga sa magdamag na dumaan;
Kay laki ng pagbabago sa kanyang katauhan,
Kabataan ay nagpapaalam sa ating nakaraan;

Dating patpating bata at tila walang muwang,
Puno ngayon ng karanasan sa katauhan;
Malusog na tingnan ang kanyang katawan,
Kung susuriin parang hangin ang laman;

Saan ka galing at kaibigan saN ka patungo?
Ilang katanungan na tila walang kasagutan;
Ano ang dungis na nasa iyong mukha?
Hindi napapansin sapagkat itinatatwa;

Bakit mo pa ako hinarap sa araw na ito?
Kung hindi ka rin naman handang magbago;
Sinilip mo ang aking taglay na kahinaan,
Para saan pa kung iyo namang pagtatakpan;

tinunton mo pa ang daan ng ating nakaraan,
Pinili mo lamang ang nais mong matapakan;
Ang libro ng ating mga nagdaang kasaysayan,
Nilalampasan mo ang ating mga kabiguan;

Matapos mo sana akong titigan at kausapin,
Matapang mo nawa ako ngayong harapin;
Kahinaan mo sa puntong ito ay palakasin,
Sa kamalian ikaw ay may matututunan din;

Mga dungis sa ating mga mukha at katauhan,
Pagkakataon ito na gawan ng isang hakbang;
Kaibigan,Salamin ang ating tunay na pagkatao,
Alamin tunay layunin sa magandang pagbabago;

No comments: