Tuesday, January 1, 2008

SK MAGPAKAILANMAN


"GABAY SA DISIPLINA NG KABATAANG BARANGAY "
Ikaw ay kinatawan ng Kabataang Pilipino. Ang kapangyarihang kalakip ng iyong katungkulan ay panandalian lamang sapagka’t ito’y hiram sa mga kabataang iyong kinakatawan. Sikapin mong maging marangal, magting at makatao dahil ikaw ay kikilalanin at hahatulan, hindi lamang ng iyong kapuwa, kundi maging ng Panginoon at nang kasaysayan. . . .
Panindigan mo at isapuso na ikaw nga ang Bagong Mandirigmang tagapagtanggol ng Bayan.”
Pangulo Ferdinand E. Marcos
======================================================================================
I. Maging malinis ka sa iyong katawan, kaisipan at gawa. Pangalagaan mo ang iyong kalusugan at iwasan mo ang bisyong mahalay at masama, palawakin mo ang iyong talino at gamitin mo ang ‘yong bisig sa paggawa. Huwag kalimutan ang mabuting-asal sa pakikipagkapwa. Kilalanin mo ang katangian ng iba nguni’t umiwas ka sa mga taong nabubuyo at magbubuyo sa ‘yo ng masama.
II. Mahalin mo ang iyong mga magulang at pangalagaan mo ang ‘yong pamilya na lunduyan ng iyong pagkatao. Matuto kang tumanaw ng utang na loob at isaalang-alang mo ang kapakanan ng mga nakatatanda.
III. Igalang mo ang iyong tungkulin gaya ng paggalang mo sa iyong sarili, magulang at pamilya. Huwag samantalahin ang posisyon upang magpayaman, tumanggap ng suhol at magnakaw sa kaban ng bayan. Ang pagkakaroon ng katungkulan ay resposibildad, hindi biyayang maaaring pagpapasasaan.
IV. Alamin mo ang pangangailangan ng mga kabataang nasa iyong pananagutan. Huwag kang maging mangmang sa mga pangyayari sa lipunan. Lumingon ka sa kasaysayan, pakasuriin mo ang kasalukuyan at gumawa tungo sa matagumpay na kinabukasan.
V. Bawat galaw, gawin mong makabuluhan. Iwasan mo ang magsagawa ng mga panukalang walang silbi sa mga mamamayan.
VI. Laging isangkot ang mga kasapi sa mga gawaing nagtataguyod sa mga simulain ng Sangguniang Kabataan. Alalahanin mong lagi na an gating samahan ay binubuo at pinapagalaw ng buong kasapian at ikaw ay bahagi lamang.
VII. Sa iyong panunungkulan ay maraming balakid. Magtiyaga at magpakatatag ka. Ang sama ng loob, bantang pagkaapi at pagkutya ay gawin mong moog na mapagbagong katapangan at ibayong paninidigan.
VIII. Ipaglaban mo ang Kilusan. Palawakin mo ang mga balangay nito, hanggang sa ang mga simulain ay maisapuso ng bawa’t kabataang Pilipino. Patibayin mo ang pagsasandiwa ng mga kabataang manggagawa, magbubukid, mag-aaral at propesyonal.
IX. Maging matapat ka sa Bayan at sa Republika. Igalang mo ang watawat at lahat ng sagisag ng ating pagiging malayang bansa. Hindi masamang tuligsain ang masamang pamamahala subali’t walang kapatawaran ang pagtataksil sa bayan at pagsasagawa ng mga nakakasira sa katibayan ng ating pagiging isang bansa.
X. Mahalin at pagtiwalaan mo ang iyong kapuwa Pilipino, anuman ang kanyang pananampalataya, kaanyuan at pananalita nang lalong tumibay ang ating pagkakaisa. Ipagtanggol mo ang bayan sa mga dayuhang mapaniil at mga masamang impluwensiya nito sa ating pambansang kalinangan, kabuhayan at kaayusang pampulitika.
XI. Sumampalataya ka sa Panginoon, anu man ang iyong relihiyon; purihin mo ang Kanyang pangalan sapagka’t Siya ang bukal ng lahat ng kabanalan at kabutihan, at tanging gabay na liwanag ng ating mga bisig, diwa at kaisipan.
Kung ikaw ay magtataksil sa napagkaisahang alituntuning ito, magkusa kang tumiwalag sa iyong katungkulan at sa Kilusan. Kung hindi ka magkukusa, ang iyong mga kinatawan, sampu ng kalipunan ng mga kasapi ng Kabatang Barangay ay gagalaw na parang iisa upang ikaw ay mawalang parang yagit sa iyong katungkulan, isang nakamumuhing tao na dapat iwasan sapagka’t walang karangalan.

"Akin ay paalala sa isang katungkulang sinumpaan sadyang dapat nating panindigan bilang mga bagong halal na lider kabataan ng ating Bayan... ang mahalaga ay ang pag-Sinop sa Karanasang maaring maituro ng pagiging isang bahagi ng Sangguniang Kabataan... "
Vice Elmer "SK" Santos

No comments: