ang tubig-alat ay nakaulayaw ko na mula pa noong ako ay isang bata, lumaki ako at nagkaisip sa palaisdaan na binabantayan ng aking minamahal na ama. Halos walong beses isang linggo akong naliligo sa ilog kasama ang aking mga kaibigan, umaga pa lamang bago sumikat ang araw ay nagtitipon-tipon na sa tulay ng Sto.Rosario-San Nicolas upang maligo at makisakay sa mga dumadaang Pituya at mga Galadgad sa ilalim ng tulay.... ilang kaibigan ang sisigaw! "Kasko! Kasko!Kasko!" ibig sabihin may dadaan ng Pituya malapit sa aming pinaliliguan... dadalin kami nito saan man sila patungo, ang aking kabataan ay pinalipas ko sa kaibigan at sa ilog na malinis at pinagkukunan bukod sa kabuhayan ay ng aming ligaya at mga tawanan.
Noon ang tubig-alat ay sa ilog at mga palaisdaan lamang namin matatagpuan, kinasasabikan ang pagdating ng High Tide sapagkat ang mga Pituya at Galadgad ay mabagal ang kanilang pagtawid sa ilalim ng tulay kaya't madali lamang kaming makakasakay, masarap tumalon mula sa ibabaw ng tulay sapagkat kahit papaano ay malinis ang tubig na aming babagsakan, naniningkit ang aming mga mata sa pagtanaw sa mga bagay sa paparating, buo ang aming pag-asa na ito ay isang laruan na maari naming gamitin matapos ang aming paliligo upang panibagong libangan, habang kami ay naliligo may ilang bingwit na nakaumang sa hindi kalayuan upang ang mahuhuli nito ay aming kainin sa pananghalian. ganun kasimple, ganun kasaya ang aking kabataan.
Minsan lamang ang baha, at hirap nito ay nararamdaman at may bahaging kasiyahan sa aming mga bata... kakain kami ng magkakasama na nakasalampak sa sahig ng ikalawang palapag sapagkat lubog ang aming silong, masarap ang sinigang na isda, mula sa mga huli ng kulambo na iniumang sa labasan ng ilang iskinita. matapos kumain ay balik sa ibaba upang muli ay magtampisaw sa tubig na mamaya lamang ay mawawala na at matatagalan nang muli kami ay balikan, kadalasan kapag panahon lamang ng bagyo ito dumadalaw at bilang na araw sa kalendaryong ang High Tide. Kumukulo na ang aking tyan, sumobra ang kain ko ng masarap na ulam, eto na ang problema!:) nakalubog sa tubig-baha ang palikuran, hindi maaring gamitin hindi lulubog ang aking ididiposito sa kanya, dito na papasok ang diskarte ng isang bata na lumaki sa palaisdaan, balot system! o yung tinatawag na Sipol (Simpleng Pukol). madalang naman mangyari ang ganitong mga pagbaha kaya't natitiis na ito at napapalampas.
Mabilis lumipas ang panahon, 2006 na ngayon ganun din kabilis ang pagtaas ng tubig at ang pagbaba ng aming lugar, ang tubig baha na noon ay aming kinasasabikan, atin ngayong kinaiinisan, ang mga bata ngayon hindi na kailangang pumunta sa palaisadaan at dalawin ang kailugan, nasa bahay na mismo nila ang tubig at nagmimistulang ilog na ang kalsada sa kanilang mga lugar, walang ng sisigaw na "kasko! kasko! kasko!" sapagkat patung patong na ang mga bangka sa gilid ng tulay dahilan sa hindi na makakaraan sa ilalim nito, walang ng maghihintay sa pagdaan ng mga bagay na nakalutung upang hanapin ang mga lumulutang na laruan, dahilan sa puro halos basura na lamang ang natatangay ng agos. paano ka pa tatalon sa tulay, halos magkapantay na ang tubig sa ilog at ang ilalim ng tulay, ang sarap ng salu-salo sa pagkain noon sa sahig ng tahanan, wala na ngayon! dahilan sa wala namang maihahain ang ordinaryong tao na umaasa lamang sa dapat ay yaman ng kailugan. ang madalang na baha noon ay araw araw ngayong dumadalaw kahit pa sabihing tirik ang init ng haring araw, hindi lang siguro "balot system" ang ginagawa ngayon at ang "sipol", wala ng palikuran ang nakalubog dahil ang katotohanan ngayon ay halos wala ng palikuran na magagamit.
Wala na ang dati... sayang hindi na inabutan ng mga bata ngayon ang makipaglaro sa kalikasan, hindi ko inaasahan na agad mawawala at magiging ganito ang sitwasyon ng buong kumunidad sa bandang ibaba ng Bayang Hagonoy. paano na kaya pinalilipas ngayon ng mga bata ang kanilang maghapon, madami pa akong kwento ng karanasan na aking pinagdaan sa tubig alat na ating pinuproblema sa panahong ito.Ito'y kwento lang, walang personalan...
No comments:
Post a Comment