Wednesday, January 2, 2008

BABAE SA DALAMPASIGAN

Sabay sa paghampas ng alon sa baybay,
Pinangarap ko na aking makaulayaw;
Ibig na mapawi ang aking kalungkutan,
Sapagkat malayo sa aking Inang Bayan;

Sa unang pagkikita ay aking nabakas,
Mga pananaw at pangarap para bukas;
Nagsimula sa maikling talakayan,
Naging mabunga, pagkain ng isipan;

Ang babae sa dalampasigan ng Iloilo,
Pumukaw sa isip at aking pagkatao;
Habang ating nilalakbay ang lugar,
Lugar ng kung tawagin ay ang Baybay;

Iyong mga pangarap at pananaw sa buhay,
Sa akin unti-unti mong iyong ibinigay;
Bawat hakbang ay may yapak na naiwan,
Tanda ng ating buhangin nadadaanan;

Aking binalik-tanaw una kang pagmasdan,
Ikaw ay aking tinitigan sa may dalampasigan;
Unti-unti kong nabanaag angking kagandahan,
Nabighani ako at nais na ikaw ay aking titigan;

Ako’y tunay na namangha sa iyo,
Mababang loob at may kapwa tao;
Misyon mo sa buhay ay kakaiba,
May kahulugan at may pagkadakila;

Iyong paglalayon na buhay sumulong,
Nais kong sumama upang makatulong;
Mga bata ay hinuhubog at pinapanday,
Sa katandaan ay nais mong umagapay;

Tulad mo’y nais, bukas maging makulay,
Marapat ang wasto at tamang kaagapay;
Paunlarin ang bayan ang dakilang layunin,
Maglingkod ng tapat ang gintong mithiin;

Salamat sa iyo, babae sa Dalampasigan,
Salamat sa oras na iyong mabilis naibigay;
Sa pagkakataon patuloy kang hinahanap,
Nagbabalik sa akin ang ating nakalipas;

April 15, 2002
Elmer Sebastian Santos
113 Alvarado St. Sto.Rosario
Hagonoy, Bulacan 3002

YAMANG PAMANA

YAMANG PAMANA
Para kay Rafael Santos
March 10, 2000


Simula pagkabata ako ay nahubog na,
Sa mga pangaral at kanyang paalala;
Sadyang gumabay sa aking daanan,
Upang pangarap ay aking makamtan;

Sa kanya ay hindi sunod sa luho,
Ngunit busog sa pangaral na pantao;
Mga problema ko noong ako’y bata,
Bilin nya ‘wag pabayaang lumala;

Saksi ako sa sakit na kanyang dinanas,
Mga daing na parang walang lunas;
Takot sya na baka aking iwanan,
Kaya’t magdamag ang kwentuhan;

Pangarap nya na sa akin ibinigay,
Masayang pamilya at simpleng buhay;
Pag-aralin ang anak ay kailangan,
‘wag kalilimutan ang iyong magulang;

alam mo ang hirap ko noong araw,
masaya naman akong papanaw;
Ayos ang aking mga mahal na anak,
Sa buhay sila ay aking naigayak;




Si Inang malaki na ang hirap,
Pagkalinga lagi kong hinahanap;
Salamat sa diyos matatag lumaban
Isa’t isa ay tunay na nagmamahal;

Apo, nawa ay patawarin nyo ako,
Wala akong pamanang maiiwan sa inyo;
Hindi pinalad na yumaman si lolo,
Pakikisama at patas na buhay lang iho;

Amang, ika’y huwag mag-alala,
Pagmamahal mo ay aking nadama;
Sa paghahanda kila Ama’t Ina,
Sapat na ang maiiwang alaala;

Ginto ang kinang ng iyong naiwan,
Apelyidong kilala ng karamihan;
Dahil sa iyong ginawang pakikisama,
Walang yaman dito maikukumpara;

Santos Apelyidong aking iingatan,
Dala ko habang ako’y nabubuhay;
Malinis na ipapamana sa anak,
Pamanang yaman ng buong angkan;

TRILLANA AT RIZAL

Dama ko sa aking kinauupuan,
Inip dahilan sa haba ng palatuntunan;
Nais kong madinig ama ng kasaysayan,
Noon pa man ay aking hinahangaan;

Atty. PABLITO TRILLANA III ang ngalan,
Panauhing pandangal sa aming sumpaan;
Tungkulin ko ngayon gagampanan,
Sa pangaral niya ay akin ngayong utang;

Tulala at tahimik na ang lahat,
Habang s’ya ay nagsasalita sa madla;
Sa lalim ng salitang kanyang tinuran,
Di maabot baka malunod ang isipan;

Bilang isang pinuno, ako’y punong-puno,
Pananalitang binigkas ay tila isang sulo;
Liwanag na dulot tanglaw sa daanan,
Yaman ng katauhan, sa kapwa kalayaan;

Kahapon na lumipas, bukas ay hindi mabakas,
Kalayaan sa nauuntol sa prosesong putol,
Kelan ang pangarap ay magtutuloy-tuloy,
Kelan makakamit tunay na pagsulong;





Sa dami ng dayuhan na sa atin dumaan,
Nakakapagtaka hindi na tayo nasanay;
Palipat-lipat lamang ng pamunuan,
Nananatiling sa ilalim ng dayuhan;

Pangarap ni RIZAL kay haba ng tinahak,
Unti-unti ding nadama ang kasagutan;
Ngunit kalayaan sadali nating nakamtan,
Parang dagling bumalik sa kasakiman;

Pinangarap ni RIZAL at mga kasama,
Huwag pabayaan muli gumuho pa;
Kalayaan ay alagaan at ipaglaban,
Di lang sa dayuhan maging sa kababayan;

Kababayang namumunong pagkahunghang,
Sa kamay nila bayan ay palubog lamang;
Sa kapabayaan tayo ay naiiwanan,
Patuloy na ipaglaban mithing kalayaan;

SALAMAT KAIBIGAN

Kaibigan, Ako’y dumulog upang aking iparating,
Pangangailangan na hindi luhong maituturing;
Mahalaga mong tulong sa aking kahilingan,
Oras mo at pagod ako ay hindi pinagkaitan;

Hindi magarang relo o damit ang aking nais,
Ito ay Notebook, papel at ilang pirasong lapis;
Aking gagamitin bilang sandata sa pag-aaral,
Unang hakbang ko sa pagharap sa kinabukasan;

Munting alay mula sa puso mo kaibigan,
Iingatan sapagkat alam kong pinaghirapan;
Pinili mong ako ay sikaping matulungan,
Hindi man kilala at hindi alam ang ngalan;

Dalangin ko na kayo ay patuloy na pagpalain,
Upang marami pang biyaya ang dumating;
Pangako ko balang araw aking ibabalik,
Sa mga tao ang pasasalamat sa tumangkilik;

Tulong at biyaya na sa akin ay naibigay,
Sisikaping maibalik sa iba pang mga bagay;
Makikipagkapwa gaya ng inyong isinagawa,
Gaya ninyo aking makamit din pagpapala;

SALAMAT AT PAALAM

Sa bawat tao ay may biyayang nakalaan,
Dulot at bigay ng Poong mapagmahal;
Sa anyo, ugali at angking kakayahan,
Lahat ng tao may biyayang taglay;

Iba’t ibang uri at iba ang kaanyuan,
Minsan sa pamamagitan ng kayamanan;
Ako’y nagpapasalamat sa Diyos AMA,
Biyayang dulot mo sa akin ay kakaiba;

Biyayang bayan aking mapaglingkuran,
Hindi mo ako binigo sa aking kahilingan;
Kabataan noon, ngayon buong bayan,
Handa kong ialay ang aking buhay;

Sa mga biyaya sa akin iyong dulot,
Sa mga pag-gabay na sa akin binigay;
Sa mga pagpapala mula sa mga himala,
Buong puso ako sa iyo nagpupugay;

Sa mahigit na limang mabungang taon,
Sa pulitika ako ngayon ay pilit aahon;
Nagsisilbing gabay sa kapwa kabataan,
Buhay at oras ko sa kanilay inilaan;







Panginoon, bayaan mong magpaalam,
Sa pinaglilingkuran kong kabataan;
Sapagkat haharapin tungkulin sa bayan,
Responsibilidad buong pusong tatangnan;

Salamat at sa inyo nais magpaalam,
Mga minamahal kong mga kaibigan;
Bayan ngayon ay paglilingkuran,
Nawa makasama kapwa ko kabataan;

Ako ngayon ay magiging kinatawan,
Sa konseho ng buong Inang Bayan;
Oras sa kabataan ay maglalaan,
Upang patuloy kayong makaulayaw;

SAAN MAN PATUNGO

Buhay ko ay aking inialay,
Sa aking mahal na bayan;
lakas dulot ng aking kabataan,
simbulo ng pag-asa sa pamahalaan;

pulitiko na gumugulo sa takbo,
sa pulitika na dapat sa mga tao;
pulitika ay serbisyong pampubliko,
dungis ang hated ng ganid sa gobyerno;

wala akong ninais sa aking naging buhay,
oras ibigay upang makamit ang tagumpay;
mahal ko ang aking inang bayan,
kinabukasan ko handa kong ialay;

panginoon hiling ko ang iyong pag-gabay,
ikaw ang tunay kong patidong kaagapay;
alam kong hindi mo ako pinababayaan,
ituro mo sa akin ang tamang dadaanan;

pera, koneksyon, ang sabing kailngan,
lahat ng ito wala akong taglay isa man;
isinusuko ko ang lahat ng aking plano,
tiwala akong lahat ay iyong ibibigay;

gabayan mo ako sa lahat ng panahon,
pangalawang punong bayan sa akin ay hamon;
may alok ding kumatawan sa ating lalawigan,
minsan may tukso sa aking punong bayan;

anuman ang kaloob mong katungkulan,
aking gagampanan ng buong husay;
pulitika bibigyan ko ng bagong kahulugan,
serbisyong hatid sa tao at sa buong bayan;

DALANGIN NG LINGKOD

Ako’y iyong kawal na sandigan,
Sa digmaan handang makipaglaban;
Baon ko ang inyong pagtitiwala,
Sa labanan ito ang tanging sandata;

Kaibigan ako’y may kaunting kahilingan,
Nawa ako ay patuloy na iyong suportahan;
Patuloy na kailangan ng lakas at gabay,
Sa panalangin nawa ako ay iyong idamay;

Bilang lingkod bayang salat sa kayamanan,
Salapi ay hindi sapat upang matugunan;
Subalit ang nais ay patuloy kong pagyamanin,
Oras, talino at kakayanan na aking angkin;

PAGPANAW AT PAGKABUHAY


Isang gabi ang muli ay kay tagal,
Tila ba huminto ang ikot ng orasan;
Nais ko na pansamantala ay pumanaw,
Handa na akong harapin ang kamatayan;

Puno na ang hinaing sa aking kalooban,
Isip ko’y pagod na sa dalahin sa buhay;
Bawat hakbang ng paa ay aking binibilang,
Takot akong harapin ang hamon na padating;

Nagpapanggap na ako ay isang taong matatag,
Subalit itinatanggi ng aking tunay na katauhan;
Wala na nga yatang puwang sa kinalalagyan,
Nais kong sumigaw ng malakas “Kalayaan”;

Ang pagsuko ba ay isang kaduwagan,
Nawalang pag-asa sa sistemang kinagisnan;
Pinuno akong inyong tinatawag at tinitingnan,
Sa gitna ng pag-iisa ako ay tahimik na luhaan;

Hindi ko malaman mga susunod na mga hakbang,
Naduruwag akong mag-isa sa gitna ng kadiliman;
Malalim ang kaisipan hindi maarok ang kasagutan,
Bangkay ko nawa ay inyong bigyang kahalagahan;

Ibig kong ilibing ninyo ang aking mga nakaraan,
Ngunit nais na buhayin ang dakilang layunin;
Sa muling pagkabuhay ay aking dadalawin,
Upang luha at dusa ay aking nang papawiin;

Iinyong buklatin aklat ng ating mga nakaraan,
Upang maging gabay sa inyong tagumpay;
Ayokong sa susunod ay maging kabiguan,
Panawagan maling mga hakbang ‘di tutularan;

Problema at mga suliranin ay aking lilisanin,
Nadapa ako at nalugmok sa isang putikan;
Sa pulitika nagupo ako ng isang buwaya,
Pangako ako’y babangon at muling lalaban;

Ang pagpanaw ay pansamantala lamang,
Upang maging handa sa isang digmaan;
Kumpleto ang sandata at siguradong hakbang,
Tagumpay ay makakamit sa muli kong pagkabuhay;

PAALAM

Inukit ko ang bukas sa aking palad,
Pangarap pinilit kong aking matupad;
Sa pagnanais na maging mabunga,
At aking madama ang tunay na saya;

Maikli ang buhay ng bawat tao,
Marapat lamang maging matalino;
Gamitin ng maayos dito sa mundo,
Sa pagpanaw magsisilbing instrumento;

Awiting sa paligid ay papainlanlang,
Sa kabundukan ay aalingawngaw;
Mga tulang binigkas at pinanday,
Bayaang umukit sa puso at isipan;

Unti-unti ng nauupos ang buhay,
Parang kandila sa gitna ng karagatan;
Ihip ng hangin maaring ikamatay,
Mawawalan ng sinag at tanglaw;

Malapit ng matapos ang laro,
Sa laban maari kang magupo;
Taas ang noo na ako’y tatayo,
Bandera ko’y hindi ko isinuko;

Nilalakbay ko’y malapit ng magwakas,
Tanaw ko na ang parating na bukas;
Sa kahapon ay nais kong magpaalam,
Salamat mga mahal kong kaibigan;



Ang tuldok sa dulo ng pangungusap,
Mensahe para sa mga nangangarap;
Landas na banaag ang iyong liwanag,
Sa pagsubok dapat na magpakatatag;

Kilabot sa aking buong katawan,
Natatakot man ako sa aking paglisan,
May ligaya naman akong maiiwan,
Ito ang alay sa inyong kinabukasan;

Batid ko mula sa sariling karanasan,
Pag-gunita sa mga unang taon lamang,
Marapat din naman na kayo ay lumaya,
Handa pa rin naman akong mag-paubaya;

Mga puna at hindi magandang mga gawa,
Sa inyo ay hindi ko naman maikakaila,
Kailanman hindi ko ito sa inyo isesekreto,
Nais ko lamang ay ‘wag mong tutularan;

Paalam na mahal kong Inang Bayan,
Paalam pinaglingkurang Kabataan,
Paalam mga Mahal kong Kaibigan,
Paalam din maging sa kaaway;

MALING AKALA

Maliit ang mga hakbang ng mga paa,
Subalit malayo ang tanaw ng mga mata;
Pilit kong inaaninaw dulo ng nilalakbay,
Hindi ko mabanaag ang dulo ng daanan;

Patuloy akong humakbang sa kinabukasan,
Diwa ay pikit mata sapagkat ‘di maunawaan;
Tiwala sa mga taong sa akin ay umaakay,
Sila ang gabay sa aking gawang paglalakbay;

Inilinga ko ang aking mata sa aking paligid,
Isipan ay naghahanap na tunay na kasagutan;
Pera nga ba ang sasakyan sa ating kinabukasan,
Subalit ako ay naniniwala na bahagi ay karanasan;

Impluwensya ang sandata upang iyong makamtan,
Sa akin ay pakikisama at tunay na kaibigan,
Baril ang armas panakot sa taumbayan,
Ay tunay ay respeto sa ating katungkulan;

Mundo ng pulitika masama ang kakahantungan,
Kapag ipinilit ang trapo at maling paraan;
Magdurusa lamang ang mga mamamayan,
Kapag hindi sinimulan sa iyong katauhan;

Wala naman akong pera,armas at kapangyarihan,
Dala ko lang ang tiwalang boto ng taong bayan;
Dalangin ko ay lumawig pa ang bawat labanan,
Upang alamin ang sagot sa tunay na kaunlaran;

Karanasan, respeto at tapat na mga kaibigan,
Ito lamng ang sandata ko sa bawat halalan;
Paniwala ko ito ay sapat sa pangangailangan,
Upang itaguyod tapat na lingkod bayan;

BUHAY NA ITINITIK


Sa tuwing gabi ay magdaraan,
Ang araw ay sa akin magpapaalam;
Bago pumikit ang aking mga mata,
Ang nais ko ay bisitahin ka muna;

Hawak ko ang iyong kapareha,
Layunin ay muli ay sulatan ka;
Ngunit saglit ako ay napapikit,
Nag-usal ng dasal patungo langit;

Maghapong sa sarili ay naganap,
Mga gawain na minsan ay masarap;
Tukso, pagsubok minsan ay mahirap,
Paikot-ikot man ay maipagpasalamat;

Buhay ko ay nais na maititik,
Sa iyo kaibigan kong matalik;
Hinaing ko ay iyong pakinggan,
Pangangarap ko ay iyong masundan;

Kung tawagin kita ay Dear Diary,
Upang maka-usap ko ang aking sarili;
Itama sya sa mga maling gawa,
Sa pagsubok ako ay maihanda;

Lihim ko ay iyong pakaingatan,
Takot ako na kanilang pagtawanan;
Dahil bihira sa isang nilalang,
Buhay na ititik ang kabataan;

Darating ang tamang panahon,
At ito ay nais kong maipaalam;
Mga tunay na pangyayari sa buhay,
Mangyayari pag ako ay pumanaw;

Mga pangarap at suliranin sa buhay,
Mga kabiguan at pasubok na bigay;
Mga minahal na lubos at tunay,
At ang itinangi sa puso ay hinirang;

Mga pangyayari na sa akin naganap,
Dulot ng mga karanasang nakalap;
Itinitik ko itong para sa lahat,
Pagkilala sa pagkatao ay sumapat;

Mabuting gawain ay tupdin at gayahin,
Mga mali gawaitama at ito’y unawain;
Mahal kong mga kapamilya at kaibigan,
Lahat ng aking naiwan ay inyong alagaan;

BALIK-LARO

Maalinsangan ang panahon,
Hindi gumagalaw ang mga dahon;
Mataimtim kong minamasdan,
Ang maliit na aking halamanan;

Pawis ko’y patuloy na tumatagaktak,
Walang tigil ito sa kanyang pagpatak;
Nililingap ko ang aking kapaligiran,
Mga tao at bahay ay aking tinitigan;

Bawat galaw ay may kahulugan,
Binubuo sa aking munting isipan;
Panahon ay biglang nagbago,
Kasabay ng pag-uugali ng mga tao;

Dama ko ang init ng kanilang ulo,
Hindi mahinahon ang pagtatalo;
Ang lahat ay panay nakasigaw,
Hindi tuloy magkaintindihan;

Kabataan ko ay aking binalikan,
Noon kami ay simple lamang;
Konting laro at minsan ay tuksuhan,
Lumilipas ang maghapon di namalayan;

Sa harap ng tindahan sa may paaralan,
Doon ang madalas naming tipanan;
Mga dating kababata noong aking kabataan,
Tama na sa amin ang maghabulan at taguan;

Kale-kalesa, patintero,burukya at lubigan,
Text at minsan sa goma kami’y pahabaan;
Marami pang laro ang di malilimutan,
Ang di pinapansin ng bagong kabataan;

Panahon ay lumipas mga larong ito nagwakas,
Parang wala na akong nakikitang nang bakas;
Nasan na ang simpleng buhay noong araw,
Wala ng akong makita o walang matanaw;

Ngayon mga bata sugal ang libangan,
Text ng Cellphone ang kinahihiligan;
Sa Counter Strikes di na maaawat,
NBA Cards na ang tanyag at sikat;

Nais kong ibalik aming kabataan,
Upang kanila namang masaksihan;
Buhay na simple at makahulugan,
Laro ko noong araw kanilang matutunan;

MARVELL


Nais ko giliw ako’y kilalanin mo,
‘pagkat ikaw ibig makasama ko;
Magpakailanman maging kaibigan,
Maging sa dulo ng aking buhay;

Iyong tingnan at iyong pagmasdan,
Higit sa balat ng aking katauhan;
Iyong saliksikin ang kalooban,
Upang tunay na pagkatao ay malaman;

Titigan mo ako aking kaibigan,
Tanaw mo malawak ng karagatan;
Malalim at sadyang mapagmahal,
Wagas tunay at ito’y mapagbigay;

Yakapin mo nawa ako ng mahigpit,
Pagmamahal mo’y huwag ipagkait;
Ang mawalay sa iyo ay masakit,
Dahil ikaw ay nagmula sa langit;

Makiulayaw sa iyong paligid,
Buksan ang pusong nakapinid;
Harapin ang takot ng kalooban,
Patuloy naglalaro sa iyong isipan;

Damhin mo ang halik ng pag-ibig,
Mainit na idadampi sa mga labi;
Tanda ng aking tapat na pagmamahal,
Simbolo ng aking sa iyo pagtatangi;

Ngiti at tuwa sa bibig ay mamumutawi,
Dulot ng munting usapan nangingiliti;
Pangarap at pananaw sa aking buhay,
Saglit kong matangal ang lumbay

Ngunit sadyang tadhana ay mapaglaro,
Pagkatao ay tiningnan ng dulo sa dulo;
Sa haba ng aking daang nilalakbay,
Kanilang hinusga at nilalampasan;

Lubusan mo akong makikilala,
Kapag ako ay lumisan na sinta;
Mga bakas at pangarap na nagdaan,
Tanging ala-ala na aking maiiiwan;

Tiwalang aking patuloy na dinarasal,
Na sa akin ay iyong tunay matagpuan;
Di-sapat ang pag-ibig na aking inialay,
Puso kailanpaman ay hindi papanaw;

Ngayon ipilit ko man ang nararamdaman,
Magmakaawa at lumuhod sa harapan;
Panginoon ang aking tanging dalanginan,
Damdamin ko ay sasarilihin na lamang;

Walang pagsisisi sa panahong inilaan,
Sapagkat tunay na pag-ibig ay naibigay;
Nagdulot ng saya sa aking katauhan,
Kahit na nagtapos na isang luhaan;

Pusong tumibok at nagmahal minsan,
Hindi ko naman inimpit ang kalooban;
Ibinuhos ko at inialay ko sa iyo,
Sumubok ako kahit pa ako natalo;

SALAMIN.... SALAMIN...

Matagal kong tinitigan ang aking kaharap,
iniisip kung kailan kami huling nagkita;
Ang kanyang wangis ako ay namangha,
Tulala kong minasdan aming kaanyuan;

Ang lalim ng kanyang mapungay na mata,
Tila walang pahinga sa magdamag na dumaan;
Kay laki ng pagbabago sa kanyang katauhan,
Kabataan ay nagpapaalam sa ating nakaraan;

Dating patpating bata at tila walang muwang,
Puno ngayon ng karanasan sa katauhan;
Malusog na tingnan ang kanyang katawan,
Kung susuriin parang hangin ang laman;

Saan ka galing at kaibigan saN ka patungo?
Ilang katanungan na tila walang kasagutan;
Ano ang dungis na nasa iyong mukha?
Hindi napapansin sapagkat itinatatwa;

Bakit mo pa ako hinarap sa araw na ito?
Kung hindi ka rin naman handang magbago;
Sinilip mo ang aking taglay na kahinaan,
Para saan pa kung iyo namang pagtatakpan;

tinunton mo pa ang daan ng ating nakaraan,
Pinili mo lamang ang nais mong matapakan;
Ang libro ng ating mga nagdaang kasaysayan,
Nilalampasan mo ang ating mga kabiguan;

Matapos mo sana akong titigan at kausapin,
Matapang mo nawa ako ngayong harapin;
Kahinaan mo sa puntong ito ay palakasin,
Sa kamalian ikaw ay may matututunan din;

Mga dungis sa ating mga mukha at katauhan,
Pagkakataon ito na gawan ng isang hakbang;
Kaibigan,Salamin ang ating tunay na pagkatao,
Alamin tunay layunin sa magandang pagbabago;

Tuesday, January 1, 2008

BALIK-BAYAN(hagonoy.com)

nais kong ikaw ay anyayahan,
sa mahal at aking inang bayan;
Hagonoy bayang pinaglilikuran,
ganda nito ay nakatago sa bakuran;

tunay na kabaitan mula sa taong bayan,
kaya't kami ay bisitahin sa upang malaman;
kaugaliang aming tunay na tinataglay,
sa hagonoy.com ikaw ay pumasyal;
kung ikaw naman ay dito na nagmula,
balikan mo sana iyong pinagmulan;
upang maging bahagi ng kaunlaran,
sa ating mahal na inang bayan;
sa hagonoy.com ikaw man ay lumayo,
sa ibang bayan ay naging isang dayuhan;
isang click lamang ikaw ay magbalik-tanaw,
mga kaibigan sa hagonoy.com ay pasyalan;

SI JERIC...


Marami na ang mga nagtatanong sa akin para sa pagpapalit sa aming namayapang kasamang konsehal at kaibigang si Konsehal Jeric G. Contreras, Pasensya na pero... MAGSITIGIL KAYO!


Samantalang nagluluksa ang lahat sa harap ng ating kaibigan, nagpipista naman ang mga dinadaluyan ng dugong purong pulitiko na sadyang walang pakialam sa nararamdaman ng pamilya at nagdadalamhati sa biglaang pagkawala ni jeric, pansamantalang ihinto muna natin ang lahat ng gawaing pulitikal, igalang natin ang isang tunay na lingkod ng bayang Hagonoy...


sa likod ng ating kaalaman na ang dalawampu't dalawang taong si Konsehal Jeric imukit ng isang malalim na puwang sa ating mga puso at isipan, bilang isang ANAK at KAPATID, nagsilbing katuwang ng kanyang mga magulang upang maisakatuparan ang kabuhayan ng pamilya, naging magandang ehemplo ng paaralan mula elementarya patungo sa kolehiyo bilang valedictorian at Cum Laude, bilang KAIBIGAN, handang makinig sa atin, may oras upang tayo ay makasama at may kaisipan ng payuhan tayo sa gitna ng ating kaguluhan...


Bilang KASANGGUNI, batang konsehal subalit may talinong handang ibahagi sa ating mga kasangguni, boses ng Bayan sa Konseho, nanindigan sa mga issue na para sa kapakanan ng pananalapi at transportasyon sa hagonoy, marami pang pangarap bilang isang mambabatas, bilang isang PINUNO at LINGKOD, Ehemplo ng mga kabataan Leader dahilan sa kanyang paniniwala na kaya ng Kabataan na baguhin ang maling takbo ng pamahalaan, handang mag lingkod anumang oras mo tawagin, sya ay darating sa abot ng kanyang kakayahang pisikal at mental, bilang isang MABUTING TAO, ang kabuuan ay hinubog ng isang Obra Maestro, lahat ang angulo ay iyong mapapansin ayon sa iyong pananaw at interpretasyon... isang sining ng ating Panginoong lumikha...


Panahon ng Pagluluksa... panahon ng pababalik tanaw sa mga oras na inilaan sa atin ng isang kaibigan... maipagpatuloy nawa ang kanyang nasimulan at pangarapin sa kanyang Pamilya, Sanggunian, Pamahalaang Bayan at buong Pamayanan ng Hagonoy.

PADRE, alam kong hinding hindi mo ako iiwan, patuloy mo ako gagabayan, ngayon sa piling ng ating Panginoon, Amang Lumikha...

KUMPADRES

Jose Rhey C. de Leon... Raymond Pagdanganan... Jeric Contreras... Padre gaya ng tawagan sa tuwing kami ay magkikita, ang bawat isa ay may panahon na aming ginugol sa tuwa, sa mga halakhak sa gitna ng Maboteng usapan at mga pangarap na binubuo sa gitna ng isang masarap na kwentuhan, mga proyekto na inilunsad na magkatuwang, mga nais mangyari sa buhay bilang isang bagong sibol na kabataan. pulitika... pagtulong sa tao... pamumuno... Sangguniang Kabataan... Pamahalaang Bayan... syempre mga minamahal at itinatanging babae sa aming mga buhay.
mahirap banggitin ang paalam... ngunit sila ay patuloy na lilisan, tutungo sila sa piling ng poong mahal, ang mga naibahagi nyo sa akin ay tunay na nagsisilbing kong sandata upang tuloy-tuloy kong labanan ang mga hamon na araw araw ay dumarating, sa bawat pikit ng mga mata ay nababanaag ko kayo na akin nakakasamang muli... may kanya kanya tayong panahon ng pagsasama, iisa ang aking nakita na pare-pareho nating nais na Ang Maglingkod at Mamuno... may mga taong sadyang mapanghusga sa ating gawain at naging paraan ng pamumuhay... pabayaan natin sila... kasi alam naman talaga natin kung paano natin ginamit ang oras na binigay sa ating ng panginoon. Si Rhey, January 1998 namaalam... si Raymond January 2007 biglang lumisan... si Jeric November 2007 tayo ay iniwan... Ako kaya kailan? nakakatakot at hindi ko dapat tanungin subalit alam ko na dadating ang oras ng pagpanaw, mahiwaga ang buhay... marapat laging handa tayo sa pagharap sa ating amang lumikha...mga Padre, kayo ang mamagitan sa ating panginoon na lagi akong gabayan at sana ay maging kasangkapan ako upang ang ating mga pangarap ay maisakatuparan... Paalam... kita-kitz na lang sa tamang panahon.. alam ko naman na gaya ng pangako... HINDING-HINDI TAYO MAG-IIWANAN, BATID KO NA PALAGI KAYONG NANDYAN UPANG PATULOY NYO AKONG GABAYAN!!

SK MAGPAKAILANMAN


"GABAY SA DISIPLINA NG KABATAANG BARANGAY "
Ikaw ay kinatawan ng Kabataang Pilipino. Ang kapangyarihang kalakip ng iyong katungkulan ay panandalian lamang sapagka’t ito’y hiram sa mga kabataang iyong kinakatawan. Sikapin mong maging marangal, magting at makatao dahil ikaw ay kikilalanin at hahatulan, hindi lamang ng iyong kapuwa, kundi maging ng Panginoon at nang kasaysayan. . . .
Panindigan mo at isapuso na ikaw nga ang Bagong Mandirigmang tagapagtanggol ng Bayan.”
Pangulo Ferdinand E. Marcos
======================================================================================
I. Maging malinis ka sa iyong katawan, kaisipan at gawa. Pangalagaan mo ang iyong kalusugan at iwasan mo ang bisyong mahalay at masama, palawakin mo ang iyong talino at gamitin mo ang ‘yong bisig sa paggawa. Huwag kalimutan ang mabuting-asal sa pakikipagkapwa. Kilalanin mo ang katangian ng iba nguni’t umiwas ka sa mga taong nabubuyo at magbubuyo sa ‘yo ng masama.
II. Mahalin mo ang iyong mga magulang at pangalagaan mo ang ‘yong pamilya na lunduyan ng iyong pagkatao. Matuto kang tumanaw ng utang na loob at isaalang-alang mo ang kapakanan ng mga nakatatanda.
III. Igalang mo ang iyong tungkulin gaya ng paggalang mo sa iyong sarili, magulang at pamilya. Huwag samantalahin ang posisyon upang magpayaman, tumanggap ng suhol at magnakaw sa kaban ng bayan. Ang pagkakaroon ng katungkulan ay resposibildad, hindi biyayang maaaring pagpapasasaan.
IV. Alamin mo ang pangangailangan ng mga kabataang nasa iyong pananagutan. Huwag kang maging mangmang sa mga pangyayari sa lipunan. Lumingon ka sa kasaysayan, pakasuriin mo ang kasalukuyan at gumawa tungo sa matagumpay na kinabukasan.
V. Bawat galaw, gawin mong makabuluhan. Iwasan mo ang magsagawa ng mga panukalang walang silbi sa mga mamamayan.
VI. Laging isangkot ang mga kasapi sa mga gawaing nagtataguyod sa mga simulain ng Sangguniang Kabataan. Alalahanin mong lagi na an gating samahan ay binubuo at pinapagalaw ng buong kasapian at ikaw ay bahagi lamang.
VII. Sa iyong panunungkulan ay maraming balakid. Magtiyaga at magpakatatag ka. Ang sama ng loob, bantang pagkaapi at pagkutya ay gawin mong moog na mapagbagong katapangan at ibayong paninidigan.
VIII. Ipaglaban mo ang Kilusan. Palawakin mo ang mga balangay nito, hanggang sa ang mga simulain ay maisapuso ng bawa’t kabataang Pilipino. Patibayin mo ang pagsasandiwa ng mga kabataang manggagawa, magbubukid, mag-aaral at propesyonal.
IX. Maging matapat ka sa Bayan at sa Republika. Igalang mo ang watawat at lahat ng sagisag ng ating pagiging malayang bansa. Hindi masamang tuligsain ang masamang pamamahala subali’t walang kapatawaran ang pagtataksil sa bayan at pagsasagawa ng mga nakakasira sa katibayan ng ating pagiging isang bansa.
X. Mahalin at pagtiwalaan mo ang iyong kapuwa Pilipino, anuman ang kanyang pananampalataya, kaanyuan at pananalita nang lalong tumibay ang ating pagkakaisa. Ipagtanggol mo ang bayan sa mga dayuhang mapaniil at mga masamang impluwensiya nito sa ating pambansang kalinangan, kabuhayan at kaayusang pampulitika.
XI. Sumampalataya ka sa Panginoon, anu man ang iyong relihiyon; purihin mo ang Kanyang pangalan sapagka’t Siya ang bukal ng lahat ng kabanalan at kabutihan, at tanging gabay na liwanag ng ating mga bisig, diwa at kaisipan.
Kung ikaw ay magtataksil sa napagkaisahang alituntuning ito, magkusa kang tumiwalag sa iyong katungkulan at sa Kilusan. Kung hindi ka magkukusa, ang iyong mga kinatawan, sampu ng kalipunan ng mga kasapi ng Kabatang Barangay ay gagalaw na parang iisa upang ikaw ay mawalang parang yagit sa iyong katungkulan, isang nakamumuhing tao na dapat iwasan sapagka’t walang karangalan.

"Akin ay paalala sa isang katungkulang sinumpaan sadyang dapat nating panindigan bilang mga bagong halal na lider kabataan ng ating Bayan... ang mahalaga ay ang pag-Sinop sa Karanasang maaring maituro ng pagiging isang bahagi ng Sangguniang Kabataan... "
Vice Elmer "SK" Santos

GABAY SA PAGLALAKBAY

naglalakad ako sa isang kalsada hindi ako pamilyar, lingap ako sa kaliwa at lingon sa kanan, malikot ang aking mga mata sapagkat hindi ko alam ang aking patutunguhan, bawat hakbang ko ay sadya takot at kaba ang aking nadarama, mahirap palang maglakbay ng walang planong mapuntahan, hindi ka makakarating at alam mo ding hindi ka maliligaw.
hakbang hakbang hakbang malayo na din ang aking nararating nang isang lalaking nakasalamin ang aking nakasabay, ako'y nagtanong sa kay manong, "saan po ang daan patungo sa aking pupuntahan?" mainam pa ay sumabay ka na sa akin, kumapit ka sa aking bisig, doon ikaw ay aking dadalhin" tugon ng aking magiging gabay...
pagmasdan mo ang paligid at sabihin mo sa akin kung ito ay maganda o hindi kaayaaya sa iyong paningin, pagpasensyahan mo na kung may konting kaingayan, iyan ang musika sa aking pandinig at nagsisilbing bulong ng panginoon sa aking paglalakbay... matalinhaga ang binibitiwang salita ng aking kaakay na kaibigan.
sa bawat kanto na aming nililikuan, kaming dalawa ay pinagtitinginan ng mga tao na aming nadadaanan, may ilang nagtataka at ang iba ay nagtatawa, napapagod na ako at hindi pa rin kami nakakarating sa nais kong mapuntahan, nais kong magtanong kung saan ako dadalin ng aking gabay... "manong saan nga ba tayo magtutungo?"
kaibigan, kung pagod ka na ito na ang iyong lugar na nais mong mapuntahan... sapagkat isa kang manlalakbay na nagpapatianod lamang sa agos ng buhay, hindi po planado ang iyong nais marating sa buhay, wala kang karanasan na ibinaon mula sa nakaraan, kung ramdam mo na ikaw ay naliligaw, huminto ka sana at tanawin ang iyong kapaligiran, aralin ang sitwasyon na niratnan at iyong alamin ang tamang daan... ginabayan kita kahit ako ay BULAG upang iyong makita ang biyaya na iyong binabalewala, ninanais kong ito ay aking makita sa pamamagitan ng hinaing na sinasambit sa bawat daan na ating hinahakbangan.
mahirap akayin ng isang bulag ang kapwa bulag, ngunit naranasan ko mahirap na akayin ang isang taong bulag sa katotohan at walang plano sa ginagawang paglalakbay, kaibigan, nais ko na marating mo ang iyong pangarap sa buhay, ngunit simulan mo sa unang tamang hakbang ang iyong paglalakbay. hanapin mo ang panginoon... sasamahan ka nya... tama ang daan... patungo sa kanyang kaharian...

INANG TUNING

ANTONINA TRILLANA PEREZ(uR tHE bEsT)

93 miles na ang nalakbay, malalayo na ang kanyang narating sa mundo, marami na din ang nangarap na puntahan, ang kanyang narating, marami din ang nabigo, sa bawat taon ng paghakbang kay daming pagsubok ang kanyang sinuong, hindi ko man ito nasaksihan, nagpapasalamat ako at sa huling tatlumpong taon ay naging bahagi ako, pinaghele at inaruga sa aking pagkabata, pinalo upang paalala na ako ay mali, pinagsabihan ng mga pananaw na kanyang pinagdaanan, ginabayan sa aking palakad sa landas ng aking buhay, pinaglalambingan niya ako sa mga panahon na naghahanap siya ng kalinga...
ako ay isa sa apo na kanyang pinupuntahan at sa aking silid doon sya nagpapahinga at nagpapalipas ng oras, paminsan-minsan naghahanap ng barya pambili ng kanyang ikmo at Nganga, ang bisyo ng Huwego, sakla at ang pinakamasarap na sunya o kuwaho, simple ang si Inang Tuning, ilang beses na nagpaalam pero palagi daw syang naiiwan...

Naglalaro sa kanyang isipan ang pagsundo ng mga naunang namayapa na itinuturing na kaibigan at mga mahal sa buhay.nakakakilabot ang mga kataga na kanyang binibitawan kapag sinasabi na nandyan na ang aking Inang, ang mahal niyang asawa at mga kaibigan... nagsisisi kung bakit daw sinusundo sya at bilang iiwanan, ngayon si Inang Tuning sumama na sa biyahe patungo sa kabilang buhay, (totoo nga siguro na susunduin tayo sa oras ng pagpanaw) nagpahatid sya sa aming bahay upang doon muli ay magpahinga, ilang oras lamang ang lumipas, iniwan na kami at tuluyang humimbing sa kanyang huling hantungan... Inang Tuning, salamat sa lahat ng mga alaala at pagmamahal na iyong ibinahagi sa amin, kaming sa iyo ay nagmamahal taus puso ang aming dalangin na ikaw ay makapiling ng Amang sa atin ay lumikha.... muli salamat... wait mo na lang kami dyan... ilang panahon na lamang isasama na din kami sa iyong papatunguhan...

TAKBO NG BUHAY

Agosto 13,2007
Takbo ng buhay…


Sa buhay ng tao sa panahong ito, sadyang ang lahat yata ay nagmamadali, naghahabulan at tila nauubusan ng oras… may mga bagay na ating nakakaligtaan na importante sa pang araw-araw nating buhay.

Ikaw? Gaano kabilis tumakbo ang oras sa iyong buhay? Nagagamit mo ba itong ng maayos sa tamang mga bagay? O sadyang ikaw ay nabubuhay sa karera ng orasan at ng pag-ikot ng mundo? May panahon ka pa ba upang aralin at lingunin ang mga bagay na nanyari sa iyong nakaraan… nadidinig mo pa ba ang mensahe?
Malayo ang ating ginagawang pagtanaw sa mga bagay na minsan ay nasa ating harapan lamang, mga bagay na hindi natin pinapansin sapagkat mayroon tayong ibang nais na makamit… bakit, hindi muna natin ipagpasalamat ang mga bagay na nasa atin…

Takbo tayo ng takbo… tila may humahabol na tinatakasan natin mula sa ating nakalipas, pinipilit nating iwanan ang mga bagay na dapat sana ay magbigay sa ating ng aral at lakas ng loob upang humarap sa bukas…

Tila pikit-mata tayong dumaraan sa ating kapaligiran, nagiging bingi sa tunog ng mga daing ng mamamayan… nakakalimot tayo sa tunay na halaga ng buhay… nagmamadali tayo sa buhay na dapat ay ating pinagyayaman sa pamamagitan ng maayos, marangal at makataong pamumuhay.

Kaibigan, akin naman ay payo lamang... "PAKINGGAN MO ANG PALIGID, MAY MENSAHE ANG PANGINOON... HUMINTO KA... MAGPASALAMAT... AT IKAW AY DUMALANGIN..."

24 ORAS

{Nobyembre 1, 2007
Gabi na Mag-isa sa
Tahanan,Sto.Rosario
Bats Crisostomo 9:43pm}

Sa gabi, bago dumating sa aking pagidlip, sadyang naglalaro sa isipan ang mga bagay na namumuo bilang isang katanungan, mga katanungang may kasagutang patungo din sa isa pang katanungan. Marahil bigo akong paligayahin lahat at ibigay ang kanilang pangangailangan… tamang hindi lamang materyal na bagay ang mahalaga para sa aking mga kaibigan, kababata at aking mga kabarangay… ito ay aking pinagpapasalamat sapagkat isang pagpapala na ang sila ay makilala.

Sa Oras ay kaagaw ang lahat, mahalaga ito sa lahat ng aking gampanin, Responsibilidad ang aking pangunahing hangad na magampanan, ayokong dumating ang panahon na maging palamuti na lamang ako sa ipinagkatiwala nila. Oras pa sa aking katungkulan sa pamahaan, Oras para sa aking Pamilya, Oras para sa aking Kaibigan, Oras para sa aking Barangay at Oras para sa Bayan ng Hagonoy. Nasan ang Oras para sa aking sarili?

Ngayon ramdam ko na hindi pa nakaayos ang aking mga prayoridad pagdating sa aking Oras, mahalaga ng bigyan ko ng panahon na aking makasama ang mga kaibigan, ngunit paano??? Katanungang hindi ko malaman kung paano ko sasagutin… mahalaga na mabigyan ko ng Oras ang mga konsehal… sapagkat sa kanila nakasalalay ang kapakanan n gating mga batas… paano ko ito sasagutin… mahalaga na kailngan kong bigyan ng oras ang aking pamilya, paano ko sila bibigyan ng Oras…. Mahalaga na mabigyan ko ng oras ang aking sarili… meron pa ba akong natitirang oras… Haaay… sana apatnapu at walong oras o higit pa ang isang araw…

Sinulat ko ito pero hindi ko alam kung bakit, gusto ko lamang ay mabigyan ko ng Oras na isipin ang paglalaan ko ng Oras… ang pagsagot sa mga tanong… ang lahat lahat… paano ko sisimulan ang aking maghapon at paano ko ito tatapusin… mag-isa na naman ako sa aking pagtulog tanging iniisip ko ang Oras ko! Mahalaga ito at dapat gamitin ko sa tama… anumang pagkakamali ko sa paggamit nito ay may oras pa para ito ay aking itama

Salamat sa iyo kaibigan at nagkaroon ka ng oras upang iparating sa akin na ako ay nawawalan na ng mahalagang oras inyo… nawa ay mabigyan pa ninyo ako ng oras at pagkakataon upang muli ay aking maitama.

{Oras ay mahalaga kaya’t ulit-ulit kong binanggit sa aking liham… wala mang patunguhan importante nabigyan ko ang aking sarili upang isipin ang paggamit ng mahalagang Oras}

HESUS NG PAGKABUHAY

{Nobyembre 1,2007
Himpilan ng Kaisipan at
Hesus ng Pagkabuhay}


“Minsan bagalan mo ang takbo ng buhay mo, baka sa sobrang bilis hindi mo na nadidinig ang boses ng Panginoon”.

Marami na ang nakapagsabi na malaki na ang aking pagkukulang sa aking mga kaibigan at sa aking mga kabarangay… 100 araw mula ng ako ay manungkulan bilang Pangalawang Punong Bayan, ilang mga okasyon, patay, kaarawan at mga paanyaya ang hindi ko nabigyan ng oras, mga pangangailangan na hindi ko nabigyan ng katugunan, “PAUMANHIN SA INYONG LAHAT”.

Masyado ako naging tutok sa gawain sa loob ng Sangguniang Bayan, marami akong dapat gawin upang maiayos ko ang takbo ng pagbabatas, mga kakulangan na ngayon pa lamang mabibigyan ng pansin, bilang Tagapangulo ng Sanggunian, Responsibilidad ko na aking pamunuan at maging ehemplo sa mga Konsehal ng Bayan. “MARAMI PANG DAPAT GAWIN AT ISAKATUPARAN”.

Sa pagkakataong ito nais kong magbigay ng oras sa aking pamilya at personal na buhay, labing-isang taon na ako sa aking panunungkulan at aking ginugol ang mga taong ito upang magsilbing Leader-kabataan, at kinatawan sa konseho… huli ang aking pamilya at personal na buhay kaya’t sa panahong ito, tiklop tuhod akong lumalapit, “HILING NA KARAGDAGANG PANGUNAWA”.

Dumadaan ang panahon na minsan ay tila hanging dumaraan na lamang, ramdam mo ang lamig subalit mabilis na nagiinit ang mga haplos nito sa ating mga balat, nakakaligtaan ko ang magpasalamat, magpuri at pagdasal sa ating panginoon, naging abala ako sa pag-ikot ng mundo, “AMA… PATAWAD PO SA IYO”.

Kay buti ng ating PANGINOON, binigyan niya ako ng isang PAMILYA na palaging nandyan sa akin, mga KAIBIGAN na handang dumamay sa akin upang harapin ang hamon ng tungkulin, mga KAPWA LINGKOD, na bukal sa puso ang pagnanais na makapaghatid serbisyo sa bayan… ”MARAMING MARAMING SALAMAT”.

Nobyembre 1, 2007, mabilis man ang takbo ng buhay, huminto ako at nakita ko ang aking pagkukulang, boses ng panginoon ang naghatid ng mensahe, mula sa pagdalaw sa aking kaibigan Jose Rhey C. De Leon, kasama ang aking mga kaibigan, naalala ko ang tamang paglilingkod at dakilang layunin na aming ipinangako na gagampanan, ang OPLAN KALULUWA namasdan ko ang kakulangan sa pagganap sa responsibilidad, si BATS at FREE LANCER napagmuni ko ang aking dapat na hakbang upang manumbalik ang sigla at harapin ang pagkukulang sa aking pinagmulan… “NAWA AKO’Y MULING MAPAGBIGYAN AT PATULOY NA SUPORTAHAN”

PUNO AT DULO

Tila kay hirap simulan ang isang maghapon na iyong idinalangin na sana ay huwag ng dumaan, sapagkat ito ay puno ng pagtatalo at mga suliranin na tila hindi na kayang solusyuhan ng mga taong dapat ay nakakaalam ng tamang sagot sa mga katanungang " Nasan na ang pangakong kaunlaran at pagkakaisa?".hindi natin natapos sa isang upuan at sa isang mahinahon na talakayan ang problemang panloob ng ating samahan... lumalim ang mga sugat na pinipilit na maghilom... nag-apoy ang mga damdaming dapat ay sa paglilingkod at ito ay nagsimulang maliyab sa ngalan ng ating mga hindi pagkakaunawaan at sa mga personal na pagsusulong ng pansariling adhikain...

nasan na ang isang pinuno na inaasahan naming tatayo sa gitna ng isang digmaang pampulitika?sa gitna ng isang pagtatalo at digmaan ng pulitika, palitan ng mga salitang humahagupit sa ating pagkatao, lumalatay sa ating mga kalooban,ang bawat kataga na ating binibitawan... hindi na ito ang mayamang kaisipan na dapat ay binabahagi sa isang sanggunian... ang mga ideya na marapat pagsama-samahin upang makabuo ng isang malinaw na batas na aangkop sa pangangailangan ng ating mga kababayan... nasan ang ating sinumpaang mag-aakda ng mga kapasyahan at kautusan?kapasyahan at kautusan na hahantong sa pangkalahatang kagalingan ng aming nasasakupan...

kagalingan ng mga taong nakakataas sa atin sa benepisyo ng ating pansariling kagustuhan, maging malayang gumagalaw sa atas ng mga punong punong-puno ng balaking lamangan ang kapwa pinuno ng bayang napagsasamantalahan na lamang ng mga pinagkatiwalaang malalaking pamilya sa ating Bayan, di ba marapat na ang mga panukala ay para sa kaligayahan,kapayapaan at kasaganaan ng ating nasasakupan?nasan ang kaligayahan, sa tuwing makikita ang mga kakulangan sa edukasyon, ang pagbaha 4 na beses sa isang linggo, ang problema ng namumuhunan at mamimili sa ating pamilihang bayan, baku-bako na kalsada at kawalan ng hanap-buhay.... ilan lamang iyan sa suliranin...

nasan ang kapayapaan? sa tuwing magtatalo sa walang katuturan na issue ng pulitika, sa mga araw ng paghaharap sa RTC (Regional Trial Court), sa pagtatalo sa ating Venue at sa Agenda na tatalakayin, sa mga panahon na nagpapatawag ang committee on rules... nasan ang kasaganaan sa tuwing isinusulong ang mga paraan ng pagsikil sa pagtupad sa gawain ng pamahalaan at pag-uunahan sa pagsulong ng kanya-kanyang agyenda para sa "Political Papogi"... sa mga paraan na hindi matukoy ang tunay na pangngailangan kaya't walang diretsong kaunlaran... sino ang Puno at Dulo?kailangan bang tukuyin pa ang puno at dulo? aalamin ang pinagmulan ng problema at sisisihin ang may sala? sa panahon na ganito... alamin natin ang ugat subalit magsimula sa pagtugon sa problema... kapwa tawad na tayo.... simulan ng panibago para sa pagbabago.... simulan ang pagpaplano para sa progreso....

ganito ang mungkahi ko... ang PUNO ay suporthan bilang ating pinuno makipag-ugnayan tayo sa mga layunin at sabihin natin na handa tayong magtulong-tulong para sa kaunlaran... 12 tayong opisyal... TEAM HAGONOY ang kailangan. ang DULO ay ang mamamayan na dapat unang makinabang at tunay na makalasap ng pag-unlad sa ating Bayan.... ito ang PUNO at DULO ng ating sinumpaan na tayo ay isang Lingkod Bayan!

LESSER EVIL!

Sa mundo na aking kinabibilangan wala raw permanenteng kaibigan, noon hindi ko pinaniniwalaan ang kasabihanang ito dahilan sa maraming akong naging bagong kakilala noong simulan kong pasukin ang sinasabing masalimuot na mundo ng pulitika. Palagian kong dahilan sa mga tao na nagtatanong kung bakit ako pumasok sa magulong mundo, aking tugon ay nasa paraan yan ng pamumuhay ng isang pulitiko o ng isang lingkod ng bayan… tayo na mismo ang nagbibigay ng kahulugan ng gulo at pagiging isang masalimuot ng buhay-pulitiko.
Akala ko sariling mundo ang aking pinili… tatakbo at lilipas sa aking sariling paraan, kasama ang dasal at paniniwala sa ating panginoon na patuloy akong gagabayan… hindi ko napansin may tukso pa pala at mga dimonyo sa kapaligiran na nagsisilbing hamon sa ating pagsunod sa kalooban ng ating amang lumikha… sila ang magbibigay ng itim na kulay sa iyong buhay… sila ang tag-ulan sa iyong maaliwalas na panahon, sila ang dilim sa bawat gabing dumarating na iyong papalipasin… sila ang baku-bakong dadaanan sa iyong paglalakbay tungo sa tagumpay… sila ang magpapabigat sa iyong mga dalahin,bilang isang lingkod ng bayan at ng panginoon… sila ang hahampas ng bulyos, magpuputong ng koronang tinik at sa bandang huli ay magpapako sa kruz, sila ang hudyo sa ating mga buhay.

Paano natin papalipasin ang isang maghapon na ayaw na sana nating dumaan sapagkat puno ng pagsubok na mula sa mga taong tila kulay pula ang balat at may nakatagong buntot sa kanilang puwitan… naitanong ko nga, tama ba na walang permanenteng kaibigan o wala talagang kaibigan sa buhay pulitika? Eh ano kayo sa buhay ko??? Malamang yan ang kasunod na tanong mula sa iyo… narito ang aking kasagutan, maaring sa aking paglalakbay bilang isang tunay na lingkod, doon tayo nagkita at nagkakilala sa malalim na paraan na binigay ng panginoon… hindi kita ibinilang sa mga kaibigang huwad sa pulitika at sana ganun din ako sa iyo…sapagkat buo ang aking paniniwala na tunay ang balat na iyong ipinakikita sa akin, ang tunay mong pagkatao at paghahangad na makatulong sa kapwa kahit sa ating munting paraan.
Ngayon how can I survive? Choose the lesser evil…? Nagpapatawa ba sila??? Di naman ako gumagalaw to survive at hindi naman ako nabubuhay sa mundo para lang basta mabuhay… narito ako upang tumugon sa panawagan ng ating panginoon, na mamuno sa maayos na paraan, buo pa din ang aking paniniwala na hindi ko isiniksik ang aking sarili upang malagay sa aking kinalalagyan… narito ako dahilan sa inilagay at tinawag ako ng panginoon upang ibigay ang tamang paraan ng paglilingkod at pamumuno sa kanyang bayan.Pumasok ka sa isip ko upang ang ating tunay na pagkakaibigan sa labas ng buhay-pulitika ay aking maabot at hingin ang iyong pananalangin na mabigyan ako ng lakas ng loob upang magpatuloy sa ating layunin sa buhay…Salamat sa iyo kaibigan kong tunay… lakas ka sa aking kahinaan na kasalukuyang pinagdadaanan…dalangin mo ay kailangan ko upang manumbalik ang aking talino na timbangin ang tama sa mali… upang magamit ko ang oras sa mahalagang Gawain at mapagyaman ko ang aking kakayanan upang mamuno at magsilbing tunay na lingkod.
“In Politics there is no permanent friend, because you cannot get a friend at all... but if you want a true service for the people count me as one of your friend"

KWENTO LANG, WALANG PERSONALAN

ang tubig-alat ay nakaulayaw ko na mula pa noong ako ay isang bata, lumaki ako at nagkaisip sa palaisdaan na binabantayan ng aking minamahal na ama. Halos walong beses isang linggo akong naliligo sa ilog kasama ang aking mga kaibigan, umaga pa lamang bago sumikat ang araw ay nagtitipon-tipon na sa tulay ng Sto.Rosario-San Nicolas upang maligo at makisakay sa mga dumadaang Pituya at mga Galadgad sa ilalim ng tulay.... ilang kaibigan ang sisigaw! "Kasko! Kasko!Kasko!" ibig sabihin may dadaan ng Pituya malapit sa aming pinaliliguan... dadalin kami nito saan man sila patungo, ang aking kabataan ay pinalipas ko sa kaibigan at sa ilog na malinis at pinagkukunan bukod sa kabuhayan ay ng aming ligaya at mga tawanan.

Noon ang tubig-alat ay sa ilog at mga palaisdaan lamang namin matatagpuan, kinasasabikan ang pagdating ng High Tide sapagkat ang mga Pituya at Galadgad ay mabagal ang kanilang pagtawid sa ilalim ng tulay kaya't madali lamang kaming makakasakay, masarap tumalon mula sa ibabaw ng tulay sapagkat kahit papaano ay malinis ang tubig na aming babagsakan, naniningkit ang aming mga mata sa pagtanaw sa mga bagay sa paparating, buo ang aming pag-asa na ito ay isang laruan na maari naming gamitin matapos ang aming paliligo upang panibagong libangan, habang kami ay naliligo may ilang bingwit na nakaumang sa hindi kalayuan upang ang mahuhuli nito ay aming kainin sa pananghalian. ganun kasimple, ganun kasaya ang aking kabataan.

Minsan lamang ang baha, at hirap nito ay nararamdaman at may bahaging kasiyahan sa aming mga bata... kakain kami ng magkakasama na nakasalampak sa sahig ng ikalawang palapag sapagkat lubog ang aming silong, masarap ang sinigang na isda, mula sa mga huli ng kulambo na iniumang sa labasan ng ilang iskinita. matapos kumain ay balik sa ibaba upang muli ay magtampisaw sa tubig na mamaya lamang ay mawawala na at matatagalan nang muli kami ay balikan, kadalasan kapag panahon lamang ng bagyo ito dumadalaw at bilang na araw sa kalendaryong ang High Tide. Kumukulo na ang aking tyan, sumobra ang kain ko ng masarap na ulam, eto na ang problema!:) nakalubog sa tubig-baha ang palikuran, hindi maaring gamitin hindi lulubog ang aking ididiposito sa kanya, dito na papasok ang diskarte ng isang bata na lumaki sa palaisdaan, balot system! o yung tinatawag na Sipol (Simpleng Pukol). madalang naman mangyari ang ganitong mga pagbaha kaya't natitiis na ito at napapalampas.

Mabilis lumipas ang panahon, 2006 na ngayon ganun din kabilis ang pagtaas ng tubig at ang pagbaba ng aming lugar, ang tubig baha na noon ay aming kinasasabikan, atin ngayong kinaiinisan, ang mga bata ngayon hindi na kailangang pumunta sa palaisadaan at dalawin ang kailugan, nasa bahay na mismo nila ang tubig at nagmimistulang ilog na ang kalsada sa kanilang mga lugar, walang ng sisigaw na "kasko! kasko! kasko!" sapagkat patung patong na ang mga bangka sa gilid ng tulay dahilan sa hindi na makakaraan sa ilalim nito, walang ng maghihintay sa pagdaan ng mga bagay na nakalutung upang hanapin ang mga lumulutang na laruan, dahilan sa puro halos basura na lamang ang natatangay ng agos. paano ka pa tatalon sa tulay, halos magkapantay na ang tubig sa ilog at ang ilalim ng tulay, ang sarap ng salu-salo sa pagkain noon sa sahig ng tahanan, wala na ngayon! dahilan sa wala namang maihahain ang ordinaryong tao na umaasa lamang sa dapat ay yaman ng kailugan. ang madalang na baha noon ay araw araw ngayong dumadalaw kahit pa sabihing tirik ang init ng haring araw, hindi lang siguro "balot system" ang ginagawa ngayon at ang "sipol", wala ng palikuran ang nakalubog dahil ang katotohanan ngayon ay halos wala ng palikuran na magagamit.
Wala na ang dati... sayang hindi na inabutan ng mga bata ngayon ang makipaglaro sa kalikasan, hindi ko inaasahan na agad mawawala at magiging ganito ang sitwasyon ng buong kumunidad sa bandang ibaba ng Bayang Hagonoy. paano na kaya pinalilipas ngayon ng mga bata ang kanilang maghapon, madami pa akong kwento ng karanasan na aking pinagdaan sa tubig alat na ating pinuproblema sa panahong ito.Ito'y kwento lang, walang personalan...

DOON PO AKO NAGMULA!

Saan nga ba ako galing? alam ko lamang nakarating ako sa aking narating sa pamamagitan ng aking pagsusumikap at pagtanaw sa aking mga dinaanan, sa aking kahapon na kamakailan lamang ay may alinlangan na aking hinaharap, ang aking kahapon na sadyang nagdulot ng mga aral mula sa mga pagsubok na dumarating... batid na lahat na salat ako sa yaman, walang ibang tangan na ginto kundi ang pagiging tapat na kaibigan, sa mga nagdaan bukas ang isipan na ito ay malalampasan sa pamamagitan ng paghingi ng pag-gabay sa ating panginoon, bukas ang isipan na timbangin ang bawat pangyayari... salamat sa inyo mga naging bahagi ng buhay ko, malaki ang inyong ginampanan upang ako ay maging matatag, patuloy kong babalikan ang lahat ng ating pinagsamahan, maging ito man ay masama o maganda, ang mahalaga alam ko na ang mga mga dapat gawin sapagkat ito ay nadaanan ko na... karanasan na titimbangin sa aking pagharap sa kasalukuyan at paghahanda bukas...
para sa iyo kaibingan na nais akong ibalik sa aking pinagmulan... sanay alam mo kung paano ito balikan sapagkat ito ay aking pinahahalagahan at nagiging gabay sa anumang marating ko ngayon... ikaw ay bahagi lamang ng pagsubok.... bukas bahagi ka ng lang karanasan ko at ng aking pinanggalingan.

TARA... USAP TAYO!!!

Saan ba tayo patungo? ano ba ang ating dapat na gawin? ano ba ang iniisip mo? ano ba ang ating magagawa para mga suliraning bayan? ano ba ang sulusyon sa problema? bakit tayo nagkaganito?ano ang mga plano mo? tara! mag-usap naman tayo! kailan ko ba huling nadinig ang mga salita mag-usap? hindi ko matandaan, panay pagtatalo na lamang ang nabuo sa aking isipan ukol sa kanya-kanyang pananaw na sanga-sanga ang kinatutunguan, walang malinaw na direksyon, ang pag-uusap para sa aking kaalaman at pananaw ay ang pagpapalitan ng kanikanilang opinyon sa pagitan ng isang mapayapang paraan, makikinig tayo sa mga katagang lalabas sa kaisipan ng ating kausap, malaya at may pag-galang, may paraan ng pagtimbang sa mga punto ng bawat isa... ito ang pag-uusap... may pag-uugnay sa katauhan at sa kaisipan para sa isang mabisa at tamang sulusyon...

Nakakalungkot isipin na ito ay hindi natin mabigyan ng pagkakataon upang subukang alamin ang kaisipan ng ating mga kasama, kanya-kanya tayo ng buhat walang team work, walang communication, one way ang kalsada pero nagsasalubong tayo, sanga-sanga ang lahat, walang matapos na gawain,kawawa ang bayan, nagdudusa sa ating pagpapabaya at pagpapataasan ng ihi, gaano ba naman ang gumasta ng kaunting salapi upang sa harap ng isang hapunan ay magkausap, haluan ng ngiti ang bawat kataga na ating bibitawan, ngayon paano mo sisimulan ang ganitong hakbangin kung tayo ay nasa dulo ng bangin, walang nais na humakbang sapagkat ang susunod ay ang pagkahulog sa isinampang demanda na ipinagkaloob ng mahal nating Ina ng tahanan... tumigil tayo... umupo... magdasal... mag-isip.... lumingap... mag-usap... tara! Ina Pamunuan mo ang pag-uusap, ikaw ang ilaw ng tahanan... liwanagan mo kami... ipakita mo na kaya mong pagkaisahin ang sampung anak na naghahanap ng kalinga ng Ina... huwag mong hayaan na sa ating paghihiwalay... hindi isang pangungusap ng pasasalamat ang aming masambit... kung hindi ang katanungang "Inay, Bakit mo kami pinabayaan..."

SKWELANG-KWELA

Maraming Salamat sa inyong tulong at pagsuporta para sa kabataan ng Bayang Hagonoy:
Nick & Annie Sebastian
Tito & Emily SantiagoMr.Rene Lorenzo
PAW FamilySK Jhun Aquino Jr.
Michael Dela Cruz & FamilySK Resa E. Agbayani
Karen & Contreras FamilySK Daisy Balatbat
Cynthia Alcanzaren&FamilyMs.Frincee Comilang
SK Eden TalucodMs. Janet Santos
Kag.Amber VillanuevaMrs.Cynthia Yuda
SK Val CapiliMr.Henry Perez
DahlzhenInternationalServices

Sa isang sama-samang pagkilos at pagtutulungan isang programa ang nailusad bilang tugon sa pangangailangan ng mga batang mag-aaral sa Mababang Paaralan ng Don Miguel Martin, sa Barangay ng San Nicolas at ang Sitio Buga Primary School sa Barangay ng Sta.Elena, mahigit sa 500 kagamitan ng mga batang mag-aaral ang naipamigay sa dalawang paaralan. Layunin po nating maihatid ang unang hakbang sa kanilang edukasyon.Masayang sumalubong sa amin ang mga guro noong ika-5 ng Hunyo, 2006, nagtungo kami sa kanilang mga paaralan upang ibigay ang mga notebooks at mga kagamitan ng mga bata na ating inipon at pinagsama-sama, malaki ang maitutulong nito sa kanilang pag-aaral sapagkat isa ito sa mga isipin ng mga magulang sa pagsisimula ng pagbubukas ng klase, kaya’t ang mga magulang ay nagpapasalamat sa ginawa natin, malaki rin ang naitutulong ng ating mga ibinigay kahit sa maliit na bagay na naibahagi natin.Mapapansin natin na ang ilan sa mga pangunahing problema ng ating mga kababayan ay simple lamang para ating tugunan, marami pa silang pangangailangan pero marapat na planuhin din natin ang pagbibigay, hindi dapat natin habulin ang dami ng ating mabibigyan ng tulong, bigyan nating priority ang kalidad ng ating ibinibigay na tulong sa mga taong nangangailangan. Ang mga kaibigan na gaya ninyo na patuloy ang pagsuporta sa inyong lingkod, umasa kayo na ang anumang tulong na inyong ipinagkaloob ay sigurado na makakarating sa mga dapat na mabigyan…Ang SKwelang-Kwela ay taunan na nating ilulunsad sa iba’t ibang paaralan sa bayan ng hagonoy, sana ay patuloy naming kayong makaisa sa paglalayon na matulungan ang mga batang mag-aaral na kapos sa kanilang pangangailangan sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral. Nais kong pasalamatan ang mga dating kasama sa Sangguniang Kabataan Batch 1996 kasama din dito ang mga kaibigan na matagumpay ng naghahanap-buhay sa bansang Korea, ang Dahlzhen sila Ma’am Susie, Ma’am Dahlia , Atty.Zenia L. Magno at mga kapamilya na handang magbigay ng pagsuporta sa ating mga programa.

Salamat po kaibigan…
Kaibigan, Ako’y dumulog upang aking iparating,
Pangangailangan na hindi luhong maituturing;
Mahalaga mong tulong sa aking kahilingan,
Oras mo at pagod ako ay hindi pinagkaitan;
Hindi magarang relo o damit ang aking nais,
Ito ay Notebook, papel at ilang pirasong lapis;
Aking gagamitin bilang sandata sa pag-aaral,
Unang hakbang ko sa pagharap sa kinabukasan;
Munting alay mula sa puso mo kaibigan,
Iingatan sapagkat alam kong pinaghirapan;
Pinili mong ako ay sikaping matulungan,
Hindi man kilala at hindi alam ang ngalan;
Dalangin ko na kayo ay patuloy na pagpalain,
Upang marami pang biyaya ang dumating;
Pangako ko balang araw aking ibabalik,
Sa mga tao ang pasasalamat sa tumangkilik;
Tulong at biyaya na sa akin ay naibigay,
Sisikaping maibalik sa iba pang mga bagay;
Makikipagkapwa gaya ng inyong isinagawa,
Gaya ninyo aking makamit din pagpapala;

SUPER PACMAN

Para kaming mga bata na pinalipas ang oras, iniwan ang kanya-kanyang suliranin upang sa oras na magkakasama ay maging lubos ang saya... kasabay ng kasiyahan ay ang malalakas na tawanan sa pagbabalik tanaw sa mga karanasan na noon ay ating iniiyakan, ang ating mga kahapon na nagpatatag sa ating pagharap sa kasalukuyan.
kay sarap para sa akin ng oras na iyon, sa ilalim ng mga isipin na iniwan sa isang bahagi ng isipan... nagkaroon ako ng lakas ng loob na ito ay aking harapin ng may tiwala na kakayanin ko sapagkat kasama ko pa din ang aking mga kaibigan. sabi ng si Superman " i'm always been around" gaya natin alam ko na hindi ninyo ay iniiwan, wala man si Superman alam ko nandyan ang SK 1996. at gaya din ni Manny Pacman Pacquiao "Para sa bayan ang laban na ito" ganun din tayo bilang
magkakasamang lingkod...
hindi lamang San Miguel, Magnolia o ang Magic Sing ni Pacman, o ang naglalaro sa isip nating ginawa ni superman para para makabuo ng anak? hahahaha! naging sentro ng usapan di ba superman nga!(just imagine) man of steel.... at faster than speeding bullet... kawawa naman o si Louise Lane, but anyway naging masaya ang gabi ng July 06, 2006 sapagkat ang SK, Si Superman at kahit si Pacman ay naging bahagi ng malakas ng mga halakhak, na tila ba wala ng tatapos sa ating masayang pagsasama... bahagi ng bawat pangarap ay ang masaya at matatag na kahapon na salamat sa panginoon tayo ay biniyayaan ng mga kaibigang patuloy ang puwang na maging kaisa sa paglilingkod...
superpacman 2006
the man who steel...

SK RETURNS


Ang pagdiriwang ang ika-sampung anibersaryo ng Sangguniang Kabataan batch 1996, ang mga kabataang leader ng SK ay muling magtitipon-tipon upang balikan ang isang alaala na para sa akin ay naging isang malaking bahagi ng aking kinalalagyan ngayon, sa loob ng sampung taon nakabuo tayo ng isang maliit na pamilya, tila magkakapatid, sobrang sarap ng ating samahan. mabilis na lumipas ang panahon ating nagampanan ng buong tapat at ibinigay ang oras at kakayanan ang tungkuling iniatang sa ating mga balikat bilang mga kabataan ng bayan.magkahalong lungkot at saya ang ating naramdaman sa ating paghihiwalay bilang mga lingkod, ang iba sa atin ay humarap sa panibagong responsibilidad sa ating mga pamilya, may iba na nagpatuloy na maging bahagi ng pamahalaan... marami sa atin ang nasa ibang bansa ngayon upang kumita ng dolyar na maaring maging pantawid sa masaganang hapag ng ating kainan. kailanman ay hindi tayo nakakalimot na kumustahin at magbalik-tanaw sa ating mga nakaraang gawain.sa ating ika sampung anibersaryo, tayo ay muling magbabalik hindi lamang upang ipagdiwang ito kundi ang pagpapatuloy ng ating layuning paglingkuran ang ating mga kababayan.... patuloy nawa tayong magkaisa sa paglilingkod sa bayan.... pagpalain tayo ng poong lumikha!
HAPPY 10TH ANNIVERSARY!!!
SK ELMER S. SANTOS
SK President 1998-2001

SK FOREVER! 2006

Sangguniang Kabataan
10 Years na po kami!
SK Returns! 1996-2006

Ito na marahil ang isa sa maligayang araw, ang magbalik sa magagandang panahon ng ating buhay, mga oras na nagbigay na makabuluhang kahulugan, naghatid ng mga alaala na kay sarap balik-tanawin... ito ang panahon ng SK Batch 1996.
Sa pangunguna sa panunungkulan ni SK President Jose Rhey C. De Leon nanungkulan noong 1996-1998, SK President Elmer Santos nanungkulan noong 1998-2001 at SK president Resa Enriquez Agbayani nanungkulan noong 2001-2002, matagumpay naming nagampanan ang pagiging pangunahing lingkod ng mga kabataan ng Bayang Hagonoy, sinikap naming magampanan ang katungkulan na iniatang sa amin para sa mga pangunahing programa para sa mga kinakatawan ng Sanggunian. ang ilan sa mga pangunahing programa nailunsad ay ang Film Showing ng TIRAD PASS, Youth Week, Siglakas'1996 inter barangay sports Festival, Ugnay-kabataan, Sagip Kalikasan,KAPANALIG Batch 1-09, Volleyball Tournament 1997, Siglakas 2 The Jose Rhey Memorial Cup 1998 Inter-town Basketball, 2nd-5th jose Rhey Memorial cup (1998-2001), Senator's Cup Sports Festival, Inter-School Volleyball tournament2001-2002, All Star Mother's Cup 2002, SKSC- Sports Clinic 1999-2002, MADAC-Anti Drug Campaign, Buwan ng Kabataan, Aguinaldong Pambata, Kwelang SKwela, ilan lamang ito sa mga programa na ating nailunsad at pinagsamahang maitaguyod, bukod dito ang mga programang ginagawa sa ating mga nasasakupang Barangay.
kasama din sa ating pinagyaman ay ang pagiging isang tunay na kapuso, kapamilya at kaibigan, sa pamamagitan ng mga Leadership seminar, inter-personal Communication, at iba't ibang workshop, sa mga gabi, araw na tayo ay magkakasama, lubos nating nakilala ang ating mga sarili ito ang mga kabataan leader ng bayang hagonoy... ang marami sa atin ay nasa ibang bansa upang harapin ang isang responsibilidad sa ating mga pamilya at mahal sa buhay subalit bukas ang isipan na ngayon ay magbabalik upang ipagpatuloy ang ating mga programang sinimulan.... ikaw ay lingkod at tayo ay nakahandang magbahagi ng oras para sa bayan... muli salamat sa iyong panahon... salamat sa oras ng ating selebrasyon ng ating ikasampung taon bilang lingkod...

Hon. Jose Rhey C. De Leon
SK President 1996-1998

Hon. Elmer S. Santos
SK President 1998-2001

Hon. Resa Enriquez Agbayani
SK President 2001-2002

AKO'Y PALABOY

Naranasan mo na bang maging palaboy? Taong hindi alam kung saan patungo, walang direksyon at nagpapatangay na lamang sa agos? Wala sa sarili ang mga ginagawang disisyon… nasan na nga ba ako ngayon?
Sadyang puno ang isipan sa mga suliraning kinahaharap, sa panahong gaya nito siguro pinakamabisang sandata ay ang huminto, alamin ang susunod na hakbang, timbangin ang kasalukuyan, kulang ang dalawampu’t apat na oras upang ang lahat ng hamon ay aking matugunan.
Natatakot ako na mawala ang aking mga kaibigan, hindi ko na sila nabibigyan ng mahalagang oras at pakikinig sa hinaing at mga suliraning personal… nasan na nga ba sila?
Natatakot ako na ang aking pamilya ay patuloy kong mapabayaan, wala akong oras upang tanungin ang kanilang pangangailangan, wala akong sapat na pangsuporta sa kabuhayan, materyal at emosyonal na bahagi ko bilang isang anak… nandyan pa ba sila?
Natatakot akong mapabayaan ko ang aking tungkulin dahilan sa ito ang kanlungan ng aking pagkatao, magbabahagi ng aking naging gampanin sa ating pamahalaan… kailangan pa ba?
Natatakot ako sa aking pagharap sa kinabukasan, hindi ko matukoy kung tama ang aking naging panuntunan, may mga mali man akong nagagawa nais ko ito ay aking maitama, sandatang hatid ng karanasan… akin pa bang nakakamtan?
Bata man akong ngayon ay palaboy nais kong huminto sa aking paglangoy sa agos ng buhay na ginagawang paglalakbay.
nasan na nga ba sila? Mga kaibigan ko… ang tamang tanong nasan na nga ba ako? Nandyan pa ba sila? Ang aking pamilya… ang tamang tanong nandyan ba ako para sa kanila? Sa aking katungkulan…Kailangan pa ba? Ang tamang tanong handa pa ba akong gampanan? Sa aking bukas…. Makakamtan ko pa ba? O ang tamang tanong natututo ba akong sa aking kahapon…
Magulo sapagkat ngayon ako’y palaboy… hihinto ako upang muli akong maging goodboy…

Sino si sino?

Kumusta ang Bayan ni Kuya? magulo ang takbo, kapag ang tinanong mo ay kapwa kasapi ang tanging isinasagot nila, kasi sila ang ayaw makiisa sa mga gawain sa panunungkulang pagpapatakbo ng maayos ng bayan ni kuya, sa kabilang parte naman kasi pinipilit nila na imanipula ang sitwasyon na papabor sa kanilang pansariling kapakanan. walang aamin na kasalanan namin kasi parehong matataas ang mga ihi natin... kilala mo ba si sino? sino ba si sino? nakakalito naman ang mga katanungang ganito?si sino ay hindi natin kilala, gagawa ito ng mga pamamaraan upang pag-isahin ang magkakahiwalay na kaisipan ng mga housemate sa loob ng bayan ni kuya, ang taong bayan ay patuloy na umaasa na magiging maayos ang lahat upang patuloy na umusad ang nabinbing pag-unlad ng kabuhayan sa loob ng ating bayan. si sino ang magpapasimula sa ilalim ng isang hakbangin walang nakakaalam, patagong gagapang sa magkabilang panig upang alamin ang mabisang sulusyon at magkita sa gitna ng upang manalo ang kabuuan ng mamamayan. pagkakaisahin ang magkaalitang grupo upang makamit ang tunay na kapayapaan. si sino ang susi sa mga problema ng ating bayan.nasan si sino? at sino nga si sino? sa aking pananaw ang taong kailangan ay nasa paligid lamang natin nasa loob ng pamuan sa bayan ni kuya... nasan ka na? bakit tahimik ka pa din sa gitna ng digmaan na patuloy na lumalawak sa pagitan ng kaliwa at kanang partido? wala ka bang gagawin upang malunasan ang kanser ng lipunan sa patuloy na lumalason sa pag-asa ng ating minamahal na bayan ni kuya.ang sino ay kayo, ang sino ay ako, ang sino ay ikaw.... ang sino ay tayong lahat... sa talakayan na ang hinahanap ay kung sino ang tama at mali, nakakaligtaan na pag-usapan ang sagot sa mga problema na dapat nating talakayin.sa mababaw nating pagtanaw, maaring balimbing ang maitawag sa mga taong nagnanais na pumagitna at mamagitan na lamang sa awayan, neutral sa pananaw ng malalim na pag-iisip, isang posisyon ng malayang paninindigan. tara mag-usap na lamang muna tayo, kwentuhan, chikahan bago tayo pumasok sa isang silid na magbubuo ng isang matibay na sulusyon sa mga suliranin ng bayan ni kuya!

TINDIG MAINAM!


Buong Kisig kong hinarap silang lahat,
sa likod ay takot sa aking katauhan;
itinago ang kahinaan upang makaalpas,
sa digmaang parating sa panunungkulan;
tiklop tuhod akong nagtungo sa iyo,
aking kaibigan nais ay tulungan ako;
upang di magapi ng panay kadiliman,
liwanag iyo nawang sa akin ibigay;
ikaw ang magsisilbing lakas sa kahinaan,
tanglaw sa aking nagdidilim na daanan;
pag-asa sa tinatanaw na pangarap na bukas,
at magtatagol sa kahinaan kong taglay;
kaibigan ko salamat sa pagsuporta mo,
wala akong tibay kung di kaagapay;
bukas palagi ang iyong banal na tahanan,
salamat sa iyo aking hesus na mahal;